ni Lolet Abania | November 7, 2021
Isang 9-anyos at isang 11-buwang gulang na sanggol ang namatay matapos mai-report ang isang diarrhea outreak sa tatlong barangay sa Tanza, Cavite noong nakaraang buwan, pahayag ng isang local health official ngayong Linggo.
Ayon kay Dr. Ruth Punzalan, municipal health officer ng naturang lugar, ang apektadong mga barangay ng diarrhea outbreak ay Calibuyo, Punta 1, at Sahud Ulan.
Bukod dito, sinabi ni Punzalan na dalawang kaso pa ng cholera ang kanilang na-detect.
Umabot na sa 20 mga kaso ng diarrhea ang kanilang nai-record habang aniya, nagsimula ang outbreak isang linggo bago mag-Oktubre 19.
“Total of 20 cases ang tinamaan ng diarrhea outbreak at may isa kaming death na 9-year-old,” sabi ni Punzalan sa isang interview ngayong Linggo.
Ayon pa sa opisyal, ang mga pasyente ay agad na dinala sa ospital para gamutin subalit namatay din kinabukasan dahil sa severe dehydration.
Paliwanag ni Punzalan at base na rin sa kanilang imbestigasyon, sa pitong water sources sa Tanza, lima rito ay kontaminado.
Aniya, ang tubig na mula rito na ginagamit at posibleng iniinom ng mga residente ay nanggaling sa mga shallow wells.
Gayunman, ang mga apektadong komunidad ay agad naman nilang binigyan ng assistance para makakuha at magkaroon ng malinis na tubig.
Comments