top of page
Search
BULGAR

11-anyos, sumakit ang paa, ‘di nakalakad at nagkasakit sa puso bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 11, 2022



Napakahalaga sa mga ospital ng pagkakaroon ng mga espesyalista sa bawat sangay ng medisina. Sila ay makatutugon sa pangangailangan ng mga pasyente, lalo na sa mga kritikal o emergency situations. Sa mga ganitong sitwasyon, alam nating napakaimportante ng bawat segundo sa pagliligtas o pag-aagaw ng buhay ng mga pasyente. Sa kasamaang-palad, sa pamilya ng mga Alfaro ng Bulacan, nang nangailangan ng cardiologist si Carl Guillier D. Alfaro, anak nina Mang Norberto B. Alfaro at Aling Virginia P. Dayao, dalawang ulit silang napagkaitan ng presensiya at serbisyo ng nasabing espesyalista sa dalawang ospital na pinagdalhan kay Carl. Kung natugunan ang pangangailangan ni Carl, nadugtungan pa kaya ng ilang panahon ang kanyang buhay kundi man ganap na naisalba ito? Hindi maiwasang maitanong ito sa kuwento ng buhay ng nasabing yumao.


Si Carl, 11, namatay noong Hulyo 19, 2018 sa isang ospital sa Bulacan, ang ika-100 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Carl ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Bulacan. Una noong Abril 13, 2016; pangalawa noong Nobyembre 17, 2016; at pangatlo noong Hunyo 23, 2017. Ayon sa ina ni Carl,

“Pumayag akong pabakunahan ang aming anak dahil kontra-dengue infection daw ang bakuna. Sinong ina ang tatanggi na mabigyan ng proteksiyon ang kanyang anak? Sa kagustuhan kong mabigyan ng proteksiyon si Carl, pinayagan ko siyang mabigyan ng bakunang Dengvaxia.”


Gayunman, ang pangakong proteksiyon ng nasabing bakuna, ganito naman ang nangyari kay Carl. Noong pangalawang linggo ng Enero 2018, nagreklamo siya ng pananakit at pamamanhid ng mga paa, hindi rin siya makatayo. Nagtagal ito nang ilang araw, kaya hindi siya nakapasok ng paaralan hanggang sa bumuti ang kanyang kalagayan. Noong Pebrero 2018, halos isang buwan siyang hindi nakapasok dahil dinaramdam niya sa kanyang dibdib. Mula noon, nawalan na siya ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pangangayayat. Napansin ng kanyang mga magulang ang mabilis at malakas na pagtibok ng kanyang puso. Dinala siya sa doktor at sinabihan sila na may rheumatic heart disease diumano si Carl. Niresetahan siya ng mga gamot, kaya noong Marso 2018 ay bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan, ngunit madalas ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Ang pagbuti ng kanyang kalusugan ay nagpatuloy mula Abril hanggang Hunyo 2018. Gayunman, humantong pa rin sa maaga at hindi inaasahang kamatayan ang buhay ni Carl. Narito ang ilan sa mga pangyayari sa mga huling sandali ng kanyang buhay:

  • Hulyo 16 - Pagkagaling niya sa paaralan, hirap siyang huminga at hingal na hingal. Hindi siya makakain nang maayos; siya ay nakaupong matulog dahil hindi siya makahinga ‘pag siya ay nakahiga.

  • Hulyo 17 - Hindi siya makatayo at siya ay hinang-hina.

  • Hulyo 18 - Namutla siya at hingal na hingal. Nagpatuloy ito kinabukasan.

  • Hulyo 19 - Isinugod siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Bulacan. Dahil sa kawalan ng cardiologist, inilipat siya sa ibang ospital doon din sa Bulacan. Sa parehong dahilan na walang cardiologist at bakas sa mukha ni Carl ang pagod dahil sa biyahe, iniuwi na lang siya. Bandang alas-8:00 ng gabi, naging balisa si Carl, naging maligalig siya na parang hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Siya ay nahirapang huminga at hindi makapagsalita. Nang buhatin ni Mang Norberto si Carl, naramdaman niya ang paghina nito at unti-unting pagbagal ng pagtibok ng puso. Nahimatay si Carl at agad siyang isinugod sa isang ospital sa Bulacan. Pagdating doon, agad siyang isinailalim sa ECG, ngunit nakita ng mag-asawa ang pahalang na linya sa resulta ng ECG. Sinabihan sila na pumanaw na si Carl. Anang mag-asawang Alfaro,

“Napakasakit para sa amin ng biglang pagpanaw ni Carl. Gaya ng nabanggit namin, masigla, malusog at aktibong bata ang aming anak. Mahilig siyang maglaro ng sports, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya.”


Base sa kuwentong ibinahagi ng nasabing mag-asawa sa artikulong ito hinggil sa kawalan ng cardiologist sa mga ospital na pinagdalhan nila kay Carl (at katulad na mga kuwento), mayroon sanang kinakailangang paghahanda ang mga awtoridad na nagpatupad ng pagbabakuna ng Dengvaxia— tulad ng pagiging organisado at handa sa lahat ng mga pangangailangang medikal ng naturang vaccinees sa oras na sila ay may naramdaman pagkatapos ng nabanggit na pagbabakuna.


Huli na para sa mga yumao, ngunit hindi pa para sa survivors na patuloy na lumalaban sa adverse effects ng nasabing bakuna. Kaya sa paglapit sa PAO at PAO Forensic Team ng pamilya Alfaro, at sa pagtanggap namin sa kasong ito, muli naming binibigyang-diin ang kambal naming laban na ito para sa hustisya sa nasabing mga biktima.


Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page