top of page
Search
BULGAR

11-anyos, sumakit ang baywang at likod, naging bayolente at nagwala bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 27, 2023


Ang “minsan” o isang beses na pangyayari ay nagiging sanhi rin ng simula ng katapusan.


Ang masakit na bahaging ito ng katotohanan ay may hapdi at pait pa ring dulot sa Pamilya Debutac ng Cebu dahil sa trahedyang sinapit ng kanilang anak na si Charish Debutac.


Ayon kina G. Alejandro at Gng. Jacqueline Debutac, ang kanilang anak na si Charish ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 4, 2017. Noong Disyembre 2017, nagsimula siyang magkaroon ng karamdaman. Pagdating ng Mayo 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kondisyon niya hanggang sa ito ay nauwi sa pagpanaw niya noong Mayo 16, 2018. Nasabi ng mag-asawang Debutac sa kanilang salaysay:


“Naniniwala kami na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH). Ang tiwala namin sa DOH na mabibigyan ng proteksyon si Charish ay biglang naglaho at napalitan ng pagdaramdam at galit dahil ang naging sanhi ng kamatayan niya ay ang sinasabi nilang magiging proteksyon niya.”


Si Charish, 11, ang ika-144 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa Certificate of Death ni Charish, siya ay namatay dahil sa Multiple Organ Dysfunction Syndrome (Central Nervous System, Respiratory, Hematologic) (Immediate Cause); Severe Sepsis, Hypovolemic Shock Secondary To Acute Gastroenteritis with Severe Dehydration Status Post Resuscitation At Xxx Hospital (Antecedent Cause). Tulad ng nabanggit sa itaas, naturukan siya ng Dengvaxia noong Agosto 4, 2017. Nang araw na ‘yun, ayon kina G. at Gng. Debutac pinuntahan sila sa kanilang bahay ng mga health workers ng kanilang barangay. Dagdag pa nila, “Sinabihan kami na mayroong isasagawang pagtuturok ng bakuna kontra dengue para sa mga bata sa aming health center.


Ayon din sa mga barangay health workers, proyekto ng DOH ang nasabing pagbabakuna at ito ay libreng ibibigay. Dagdag pa nila, kapag sa labas magpapaturok ng nasabing bakuna ay may kamahalan ito. Kami naman ay naudyukang pabakunahan si Charish dahil din sa takot na siya ay magka-dengue dahil ang kuya niyang si Jhondro Debutac ay na-dengue na. Nang mismong araw na ‘yun ay pinabakunahan namin si Charish.”


Noong Disyembre 2017, nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at ulo. Ito ay pabalik-balik sa mga sumunod na mga araw. Dahil dito, hindi siya nakakakain nang maayos at siya ay dumudumi. Nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan sa tuwing siya ay dumudumi, at ang pananakit ng kanyang ulo ay nawawala tuwing umiinom siya ng paracetamol. Noong Abril 2018, madalas siyang makaramdam na mainit ang kanyang katawan kaya siya ay naliligo nang tatlong beses sa isang araw. Pagdating ng Mayo 2018, nadagdagan pa ang kanyang mga karamdaman hanggang sa lumubha ang kanyang kondisyon at bawian siya ng buhay noong Mayo 16, 2018.


Narito ang ilan sa mga detalye:


  • Mayo 11 - Naligo sa dagat si Charish.Pagsapit ng gabi, sumakit ang kanyang ulo at may lagnat din siya. Matapos siyang painumin ng kanyang mga magulang ng paracetamol, umayos naman ang kalagayan niya.

  • Mayo 12 - Muling bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at siya rin ay nagkaroon ng lagnat. Sumakit din ang kanyang baywang at hita.

  • Mayo 14-15 - Sumakit ang kanyang baywang hanggang kinabukasan (Mayo 15). Sumakit din ang ulo niya, at bumilis ang kanyang paghinga. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu. Sinabi ng kanyang mga magulang na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Dahil du’n, inilipat agad siya ng ospital at dinala siya sa trauma center. Isinailalim sa ultrasound ang tiyan niya dahil inirereklamo niyang masakit ito. Base sa resulta, maayos naman ang kanyang kalagayan.

  • Mayo 16 - May lagnat siya. Isinailalim siya sa x-ray at base sa resulta, may nakitang puti sa baga niya. Naging bayolente na siya, kaya itinali siya dahil sa kanyang pagwawala. Gayundin, siya ay nagsasalita ng kung anu-ano. Isinailalim siya sa CT-scan, at base sa resulta, namamaga ang utak niya. Matapos niyang magwala, nawalan siya ng malay at siya ay in-intubate dahil hirap na hirap siyang huminga. Bandang alas-3:00 ng hapon, nag-agaw-buhay siya hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Dahil hindi alam ng doktor ang sanhi ng pagkamatay ng aming anak, iminungkahi ng doktor na i-autopsy siya, pero hindi kami pumayag.”


Sa PAO Forensic Team nila ipinagkatiwala ang pagsusuri sa mga labi ni Charish, na agad namang isinagawa ng team. Ang usaping legal naman ay ipinagkatiwala nila sa aming Tanggapan, at ang libreng serbisyong legal na nararapat sa kaso ni Charish ay aming ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob nang naaayon sa aming mandato.


Nang siya ay nabubuhay, ayon sa kanyang mga magulang, ang malusog at maliksing si Charish ay nakikipagpaligsahan sa pagsayaw sa kanilang paaralan. Subalit, ito ay naglahong parang bula, sapagkat naigupo ng kanyang karamdaman si Charish dahil sa eksperimentong bakuna na sa kanyang murang katawan ay isinaksak nang walang pag-iingat at masusing pag-aaaral. Sa ngalan ng hustisya, at competitive spirit na ito ni Charish, ang kanyang kaso ay hindi rin namin susukuan – tuloy ang laban sa legal na pamamaraan hanggang makamit ang katarungan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page