ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 20, 2022
May mga pagkakataon na damang-dama ang karalitaan bilang matinding dahilan upang ang kakayahan at kalayaang magdesisyon ay isuko dahil sa isang matindi ring dahilan. Ganito ang naging sitwasyon ng magkapatid na sina Romeo at Jessica V. De Chavez, na nagpasyang magpaturok ng Dengvaxia kahit hindi pumayag ang kanilang ina na si Aling Airene ng Catanauan, Quezon. Ani Aling Airene sa kanyang salaysay, “Hindi ko pinayagan na maturukan sila ng Dengvaxia, subalit napilitan daw silang magpabakuna dahil sinabihan sila na mawawala kami sa listahan ng 4Ps kapag hindi sila magpapabakuna. Kaya kahit wala akong pahintulot, nagpabakuna ang aking mga anak dahil sa takot na mawala kami sa mga nakatatanggap ng tulong mula sa DSWD.”
Kaugnay ng nasabing pagpapabakuna, narito ang naging pahayag ni Aling Airene, partikular sa pinaniniwalaan niyang epekto nito kay Jessica: “Kaisa-isang babae at bunso pa. Malakas at masiglang bata ang aking anak bago siya maturukan ng nasabing bakuna at bago ‘yun ay hindi siya kailanman dinapuan ng malubhang sakit.”
Si Jessica, 11, ay namatay noong Hunyo 12, 2017. Siya ang ika-110 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jessica ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia kasabay ni Romeo; una noong Mayo 5, 2016 at pangalawa noong Pebrero 22, 2017 sa isang paaralan sa Catanauan, Quezon. Si Romeo lamang ang binigyan ng Dengvaxia card. Gayunman, ani Aling Airene, “Hindi binigyan si Jessica ng immunization card, pero gumawa ang aking anak na si Romeo ng kanyang salaysay na nagpapatunay na naturukan si Jessica kasabay niya nang mga araw na nabanggit.” Pagdating ng Mayo 2017, may mga naging karamdaman si Jessica. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Mayo 12, 14, 2017 - Noong Mayo 12, 2017, isinugod si Jessica sa isang ospital sa Quezon dahil sa labis na pagsusuka, pagsakit ng ulo at pabalik-balik na mataas na lagnat. Ipinag-utos ng doktor na ilipat si Jessica sa ibang ospital sa Quezon noong Mayo 14, 2017 dahil hindi na nila kayang lapatan ng lunas ang mga nararamdaman niyang sakit.
Mayo 16, 2017 - Hindi na makausap ni Aling Airene si Jessica, sapagkat hindi na siya makapagsalita dahil sa pamamaga ng kanyang dila. Nagagawa na lang niyang makatugon sa mga tanong ni Aling Airene sa pamamagitan ng pagtungo at pag-iling. Inirekomenda ng doktor na dalhin si Jessica sa Maynila upang maoperahan sa utak, ngunit hindi na ito nagawa ni AlingAirene, sapagkat pinapipirma umano siya ng nasabing doktor sa dokumentong may nakasaad na magbabayad siya ng P150,000 at ang nasabing halaga ay hindi naman umano niya kayang bayaran. Dahil dito, nanatili si Jessica sa pinaglipatan sa kanyang ospital sa Quezon. Ayon kay Aling Airene, “Si Jessica ay tumagal sa hospital nang isang buwan at sa panahong ‘yun, nasaksihan ko ang unti-unting pagbagsak ng kanyang timbang, lubos na pamamayat, pabalik-balik na lagnat at pagsusuka. May mga panahon ding iniuumpog niya ang kanyang ulo sa kama at dumadaing sa sobrang sakit nito, gayundin ang kanyang tiyan. Walang malinaw na paliwanag ang doktor kung ano ba ang naging karamdaman ni Jessica at kung bakit hindi siya gumagaling sa kabila ng patuloy na pagbibigay ng gamot sa kanya. Sa halip, lumala pa ang pagsusuka at pagdaing niya sa malubhang sakit ng ulo at tiyan.”
Pagdating ng Hunyo 12, 2017, alas-7:00 ng umaga, napansin ni Aling Airene ang labis na pangingitim ni Jessica. Napansin din niya na hirap na hirap na siyang huminga kahit siya ay may oxygen. Dahil dito, ipinatawag ni Aling Airene ang mga doktor at ginawa naman nilang bombahin ang dibdib ni Jessica upang tulungan siyang huminga. Sa kasamaang-palad, hindi na rin ito nakatulong sa bata. Sinabi ng mga doktor kay Aling Airene na ipasa-Diyos na lamang ang kanyang anak, sapagkat wala na silang magagawa upang isalba ito. Ani Aling Airene, “Inihinto ng mga doktor ang pag-revive sa aking anak at wala na akong magawa kundi panoorin ang unti-unti niyang pagkamatay. Noong ika-12 ng Hunyo 2017, alas-10:00 ng umaga, tuluyan nang binawian ng buhay si Jessica.”
Matapos mamatay ni Jessica, saka lamang nabanggit ni Romeo na naturukan siya ng Dengvaxia kasabay ng una. Sa pagkakaturok ng nasabing bakuna sa magkapatid, malinaw na nangyari na naman ang kawalan ng consent ng magulang. Bagay na nagpapakita ng kawalan ng pag-iingat ng mga taong nagpasimuno ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Buo ang loob ni Aling Airene na ipaglaban ang nangyari kay Jessica at panagutin ang mga taong may kaugnayan sa pagbabakuna nang walang pag-iingat sa kanyang mga anak.
Bilang tugon sa kahilingan ni Aling Airene sa libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan at forensic services ng aming Forensic Team, ang inyong lingkod, special public attorneys at forensic doctors ay masigasig na isinusulong ang kaso ni Jessica sa legal na pamamaraan. Para naman kay Romeo at mga tulad niyang survivors, nananatili kaming mapagmatyag, lalo na ang aming mga doktor, sa kanilang pangangailangang medikal upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan na posibleng nalagay na rin sa panganib.
Comments