ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 3, 2020
Ang paghingi ng saklolo ang huling mga salita na narinig ng isang ama mula sa kanyang anak bago ito pumanaw. Matindi ang pagnanais ng una na masagip sa kamatayan ang pinakamamahal niyang anak, ngunit huli na ang lahat. Napakasakit na alaala ito hindi lamang sa isang ama kundi sa lahat ng nagmamahal sa naturang bata na nagngangalang Lea delos Santos, lalo pa at maaari naman sanang naiwasan ang masaklap na pangyayari na pinaniniwalaang kumitil sa kanyang buhay.
Si Lea, anak nina G. Lito at Gng. Jennifer delos Santos ng Maria Aurora, Probinsiya ng Aurora, ay 11-anyos lamang nang namatay noong Pebrero 13, 2018. Siya ang ika-22 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia si Lea sa kanilang eskuwelahan. Una, noong Abril 15, 2016, pangalawa noong Oktubre 25, 2016 at panghuli noong Abril 26, 2017. Noong mga huling linggo ng Disyembre, 2017 ay nag-umpisa siyang maging matamlay. Bihira na siyang lumabas ng bahay hindi kagaya dati na nakikipaglaro pa siya ng volleyball sa kanyang mga kaklase. Noong Enero 28, 2018, nag-umpisa nang magkasinat si Lea. Patuloy ang pagiging matamlay niya at ayaw na niyang umalis ng bahay, natutulog na lamang siya dahil masakit diumano ang kanyang ulo at katawan. Hindi na bumalik ang kanyang sigla, palagi na siyang matamlay at mapusyaw. Noong Pebrero 1, 2018, isinailalim siya sa hematology test at urinalysis. Ayon sa doktor, mababa diumano ang red blood cells ni Lea at may kaunting bakterya diumano na nakita sa ihi niya. Ipinainom ng kanyang mga magulang ang iniresetang gamot ng doktor sa kay Lea, ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Noong Pebrero 3, 2018, nag-umpisa nang tumaas ang kanyang lagnat at nag-umpisa na rin siyang magreklamo ng pagkahilo at pagsusuka. Napapadalas din ang pagdudura niya sa hindi malamang kadahilanan. Sobrang matamlay na si Lea noon at hindi na siya nakakakain nang maayos.
Noong Pebrero 9, 12, at 13, 2018 ang naging kritikal na mga sandali ni Lea na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga nangyari kay Lea:
1. Pebrero 9, 2018 - Na-confine si Lea at hindi na nawala ang pananakit ng kanyang ulo at hirap sa paghinga. Nag-umpisa siyang magkapantal sa buong katawan at namanas ang kanyang mukha at mga paa.
2. Pebrero 12, 2018 - Alas-5:00 ng hapon nang salinan ng dugo si Lea, dahil ayon sa doktor ay anemic siya. Pagkatapos masalinan ng dugo, alas-9:00 ng gabi ay biglang nag-iba ang lagay ni Lea. Hindi na siya mapakali na tila hindi alam kung ano ang gustong gawin. Pasado alas-11:00 ng gabi, bigla na lamang niyakap ni Lea ang kanyang ama sabay sambit nito: “Papa, papa, wala na akong makita. Tulong, tulong!” Dali-daling pumunta sa nurse si G. Delos Santos upang humingi ng saklolo, subalit sinabihan lamang siya ng nurse na patulugin si Lea. Hirap na hirap na huminga si Lea at hindi pa rin ito mapakali sa higaan niya.
3. Pebrero 13, 2018 - Alas-2:30 ng madaling-araw, habang nakayakap si Lea sa kanyang ama ay bigla siyang nagsuka ng dugo na may kasamang plema. Akala ni G. Delos Santos noong una ay tulog lamang si Lea, subalit nang tingnan niya ang mukha ng anak ay hindi na ito dumidilat. Tinawag agad ni G. Delos Santos ang mga nurse upang humingi ng saklolo. Sinubukan nilang i-revive si Lea, subalit sa kasamaang-palad ay tuluyan na itong pumanaw.
Sa kanilang pagmumuni-muni sa pagkamatay ng kanilang mahal na anak, nasabi nila G. at Gng. Delos Santos ang mga sumusunod:
“Labis ang hinagpis na aming pinagdadaanan dahil sa biglaang pagkawala ni Lea. Masigla at malusog na bata ang aming anak at punumpuno ng pangarap sa buhay. Napakasakit dahil sa pag-aakala naming makakapagbigay ng proteksiyon sa kanya ang bakuna kontra dengue ay pumayag kaming maturukan siya, subalit ‘yun din pala ang kikitil sa kanyang buhay.
“Ang bakuna na ipinagmamalaki nilang proteksiyon laban sa dengue ay ang parehong dahilan ng biglaang pagkamatay ni Lea. Kaya naman napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng legal na tulong para maipaglaban naming mag-asawa ang kamatayan ng aming anak.”
Ang PAO, ang inyong lingkod at ang PAO Forensic Team ay agad na tumalima sa nabanggit na mga kahilingan. Ang masusing forensic examination ay naisagawa na, ang legal assistance naman para sa kaso ng yumaong si Lea ay patuloy na ipinagkakaloob ng PAO at ng inyong lingkod.
Nang sambitin ni Lea noon sa kanyang ama na wala na siyang makita at malabo na ang mga mata kaya siya ay humihingi ng tulong, maaalalang siya ay hirap na hirap na rin noong huminga. Sa kabila nito, sinabihan lamang ng nurse ang nagpapasaklolo niyang ama na patulugin lamang siya. Ang tugon sa ganito kakritikal na tagpo sa buhay ni Lea at sa tulad niyang mga biktima, ganundin sa pinakaugat nito na higit na mabigat na kapabayaan sa kasaysayan ng pagbabakuna ng mga “viruses”, samantalang clinical trial phase 3 pa sa bansa, kundi man sa mundo ay hindi ang simpleng pagpikit ng mga mata lamang. Napakahalaga na manatiling dilat sa katotohanan ang ating kamalayan upang hindi malagay sa kompromiso ang katarungan na ating ipinaglalaban.
Comments