top of page
Search
BULGAR

11-anyos, nanakit ang ulo at dibdib...

Hirap makahinga at namaga ang mga paa, kasu-kasuan at ari bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 12, 2021


Ang kaarawan ng isang tao ay isa sa pinakamasasayang sandali sa kanyang buhay. Ganito ang inaasahan ni G. Arnold Silverio ng Bulacan para sa kanyang anak na si Annaliza DL. Silverio. Subalit taliwas dito ang nangyari, isang araw noong Agosto 2017. Ani G. Silverio,


“Noong Agosto 14, 2017, kaarawan niya, nawalan ng malay si Annaliza. Matapos siyang himatayin, pinagpahinga siya at naka-recover, subalit hindi nawala ang pananakit ng dibdib ni Annaliza.”


Si Annaliza DL. Silverio ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 11, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-55 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Annaliza ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan. Ang una ay noong Hunyo 21, 2016, ang pangalawang turok ay noong Disyembre 14, 2016, at ang huling turok ay nangyari noong Setyembre 22, 2017. Ayon kay G. Silverio, noong Enero 17, 2017 ay nagsimulang dumaing ang kanyang anak na masakit ang ulo at dibdib nito. Mula noon, madalas na nitong idinadaing na masakit ang kanyang dibdib. Ani G. Silverio, “Hinahaplos ko lamang ang kanyang dibdib dahil hindi ko naman alam kung ano ang dahilan ng pananakit nito. Kapag hinahaplos ko naman ay nakakatulog siya.”


Pagkatapos nito, ang naganap na pangyayari sa itaas noong Agosto 14, 2017 ay nasundan ng paglala ng kanyang nararamdaman noong Pebrero 9, 2018. Siya ay nagsusuka at nagkaroon ng paninikip at pagbigat ng dibdib. Sumasakit din ang kanyang ulo at tiyan, kaya siya ay dinala ng kanyang ama sa ospital. Habang nasa ospital, muli siyang nagsuka at bumaba ang kanyang blood pressure, subalit hindi nalaman ng ospital ang sanhi ng mga nararamdaman niya kaya inilipat siya ng ospital noong Pebrero 10, 2018. Nagkaroon siya ng palpitation at siya ay nanatili sa nasabing ospital ng sampung araw. Nang bumuti ang kanyang pakiramdam, pinauwi na siya.


Noong mga buwan ng Marso, Abril, Mayo 2018, nadagdagan ang mga sintomas at lumala ang kondisyon ni Annaliza. Ang mga ito ay hindi na niya nakayanan, kaya siya ay binawian ng buhay noong Mayo 11, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng kanyang mga naramdaman bago siya namatay:

  • Marso 10, 2018 - Napansin ng ama ni Annaliza ang kanyang pananamlay. Madalas na itong natutulog at nawalan na rin ng ganang kumain. Naging madalas na rin ang paninikip ng kanyang dibdib at madalas diumano nitong sabihin na mabigat ang kanyang dibdib. Palagi rin niyang gustong magpahinga, dala marahil ng sobrang sakit ng kanyang nararamdaman.

  • Una at pangalawang linggo ng Abril 2018 - Namaga ang mga paa ni Annaliza. Habang lumilipas ang araw ay lumala ang pamamaga ng katawan nito. Umabot na ang pamamaga sa kanyang mga kasu-kasuan. Namaga rin ang kanyang ari.

  • Abril 16, 2018 at Mayo 4, 2018 - Nagkaroon muli ng matinding pananakit sa dibdib si Annaliza. Dinala siya sa dalawang ospital at sa pangalawang ospital, doon siya in-admit, at nanatili ng dalawang linggo. Inilabas siya ng ospital noong Mayo 4, 2018. Pag-uwi nila sa bahay, hindi bumuti ang kanyang kalagayan niya dahil madalas pa rin ang paninikip ng kanyang dibdib na nauwi sa matinding pananakit. Siya na mismo ang nagsabi sa kanyang ama na dalhin siya nito sa ospital dahil hindi na diumano niya kaya.

  • Mayo 10, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at pagdating du’n, bigla siyang nagsuka ng dugo, hanggang sa siya ay bawian na ng buhay.


Sa pagkamatay ni Annaliza, narito ang pahayag ng kanyang ama:


“Malusog at masiglang bata ang aking anak bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Nais ko lamang banggitin na hindi sakiting bata si Annaliza, at dagdag pa rito, hindi pa siya nagkakaroon ng dengue o anumang malubhang karamdaman bago pa siya maturukan ng Dengvaxia.


“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito sa aking anak at iba pang mga bata. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Buo ang loob ng pamilya Silverio na mapanagot sa batas ang mga naturang tao na nagkaroon ng kapabayaan, kaya idinulog nila sa PAO ang nangyari kay Annaliza. Ang kaso ni Annaliza ay kasama na sa tinaguriang Dengvaxia cases na ipinaglalaban sa hukuman ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, special panel of public attorneys, mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division at aming mga tagasuporta. Bukod sa pagtatamo ng katarungan, nagiging inspirasyon din namin ang pagiging masakripisyo ng mga Silverio para sa kabutihan ng buo nilang pamilya. Ani G. Silverio,


“Kung hindi nabakunahan si Annaliza ay nabubuhay pa sana siya ngayon. Maipagpapatuloy din namin ang mangarap na mapag-aral naming mag-asawa si Annaliza at makaahaon kami sa kahirapan. Ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa ibang bansa para maitaguyod ang pag-aaral niya at dalawa pa niyang kapatid.”


Bagama’t hindi na personal na magiging bahagi ng katuparan ng kanilang pangarap bilang pamilya si Annaliza, sisikapin namin na sa abot ng aming makakaya at sa pamamagitan ng aming mandato at legal na mga pamamaraan ay mapangiti si Annaliza sa kinaroroonan niya ngayon. Ngiti na dala ng tagumpay ng katarungan — ito ang nais naming maibigay kay Annaliza.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page