ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 9, 2022
May mga pagkakataon na tila nalalaman ng tao na papalapit na ang mga huling sandali ng kanyang buhay. Kaya naman ang bawat segundo ay nais niyang ilaan sa minamahal niyang pamilya.
Ganito kaya ang naramdaman ni Jian Subing-Subing, anak nina G. Eric at Gng. Senen Subing-Subing ng Lapu-Lapu City, Cebu, nang maglambing siya isang hapon sa kanyang ina? Aniya, “Noong ika-17 ng Disyembre 2018, naglalambing ang aming anak. Ayaw na niyang mailayo sa akin. Pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, tatlong beses siyang huminga nang malalim hanggang sa siya ay tuluyan nang iginupo ng mga sakit na nararamdaman niya sa katawan.”
Si Jian, 11, ang ika-124 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang pamilya. Si Jian ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 17, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa isang health center sa Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa nila, “Siya ay mahilig maglaro at aktibong miyembro ng drum and bugle corps ng kanyang paaralan. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw.”
Ang pagkakasakit ni Jian ay nagsimula noong Nobyembre 2017. Masakit ang kanyang hita at likod. Ang mga ito ay hina-hot compress at nilapatan ng kanyang mga magulang ng efficascent oil, kaya naiibsan ang sakit, subalit bumabalik din. Nagkakalagnat din siya tuwing sumasakit ang kanyang hita at likod. Pagdating ng taong 2018, ganito ang nangyari kay Jian, hanggang sa bawian siya ng buhay noong Disyembre 17, 2018:
Pebrero - Dinala siya sa isang medical clinic sa Cebu City. Sinuri ang kanyang potassium level at normal naman ito. Niresetahan siya ng pain reliever para sa mga pananakit sa kanyang katawan.
Marso - Hindi na niya maigalaw ang kanyang binti at hindi na rin siya makalakad. Dinala siya sa isang ospital sa Lapu-Lapu City, ni-refer siya ng doktor sa isang ospital sa Cebu City na siya naman nilang ginawa. Iminungkahi ng doktor na ipa-MRI siya.
Abril 2018- Noon lang naisagawa ang MRI kay Jian dahil pumila pa diumano ang kanyang mga magulang. Nang lumabas ang resulta noong Abril 12, 2018, nalaman na siya ay may Pott’s Disease. May nakitang bukol sa kanyang spine; muling iminungkahi ng doktor na i-biopsy ang nakuhang sample ng bukol sa kanya. Ang pag-biopsy ay hindi nagawa dahil sinabihan ng doktor ang mag-asawang Subing-Subing na maaari diumanong subukan kung kayang pagalingin ng pag-inom ng gamot para sa TB ang sakit ni Jian. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan sa kabila ng pag-inom ng naturang gamot, bagkus, lalo siyang pumayat.
Agosto - Namaga ang kanyang kaliwang binti at muli siyang dinala sa espesyalista. Ayon sa doktor at base sa resulta ng CBC, mataas ang kanyang uric acid, kaya siya ay niresetahan ng gamot. Isinailalim din siya sa bone structure examination. Nalaman na may bali ang buto ng kanyang kaliwang binti, at ni-refer siya sa espesyalista sa buto.
Setyembre 17 - Na-admit siya sa isang ospital sa Cebu dahil sa bali sa buto ng kaliwang binti niya at Pott’s Disease. Hindi niya mapigilan ang pag-ihi at pagdumi. Palaging mainit ang kanyang katawan at palaging nagpapawis. May lumabas ding mga kulani sa kanyang mukha at kilikili. Nanatili siyang hindi makatayo.
Oktubre - Na-MRI at na-biopsy ang bukol na nakuha sa kaliwang binti niya. Ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang lagay at tinaningan na siya na ilang buwan na lang ang itatagal niya. Nawawalan na ng pag-asa ang pamilya niya, inuwi nila si Jian at du’n inalagaan. Nais nilang makasama si Jian sa mga huling araw niya. Ipinagpatuloy niya ang pag-inom ng gamot, ngunit hindi na gumandang muli ang kanyang kalagayan.
Nobyembre - Bukod sa madalas na masama ang kanyang nararamdaman, nagdudugo rin ang kanyang gilagid.
Disyembre - Nagpatuloy ang hindi maganda niyang nararamdaman, umiksi na rin ang binti niya at naging mainitin ang kanyang ulo. Hindi nawala ang pananakit ng kanyang katawan, gayundin ang kanyang ulo. Takot na rin siyang pumunta sa ospital, kaya hindi na siya nadala ng kanyang pamilya. Pagsapit ng Disyembre 17, 2018, alas-4:00 ng hapon, tuluyan nang pumanaw si Jian. Nakasaad sa kanyang Certificate of Death na ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Acute Coronary Syndrome” (Immediate Cause); “Sepsis Sec. To Hypostatic Pneumonia And Decubitus Ulcers” (Antecedent Cause); “Pott’s Disease” (Underlying Cause).
Sabi ng kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Jian. Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klase ng gamot ang naiturok sa kanya at ikinamatay pa niya ito. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna kay Jian. Hindi ipinaliwanag sa amin kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan niya”
Sinabihan ng mga doktor ang mag-asawang Subing-Subing na ang Pott’s Disease ay namamana o genetic in nature. Ang reaksyon nila rito,“Wala sa aming pamilya ang may history ng Pott’s Disease, kaya imposibleng magkasakit na lamang ng ganito ang aming anak nang walang maliwanag na kadahilanan.”
Wala naman silang nalalaman sa kanilang pamilya na nagkaroon ng ganitong uri ng karamdaman at nakaranas ng parehas ng mga naranasang hirap ni Jian, kaya malaking palaisipan sa kanila ang pagkakaroon niya ng ganitong uri ng karamdaman. Ang dinanas na ito ni Jian ay hinahanapan nila ng kapaliwanagan at ang sinapit niyang kamatayan sa murang gulang ay inihahanap ng katarungan. Ang PAO at PAO Forensic Team na kanilang hiningan ng tulong ay patuloy nilang kasama hanggang sa mabigyan ng hustisya ang laban para kay Jian.
Comments