ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 23, 2020
Tila may maagang pamasko ang kagalang-galang na Supreme Court (SC) sa Public Attorney’s Office (PAO) at sa mga kliyente ng PAO sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia. Noong Oktubre 13, 2020, natanggap ng PAO ang Notice of Resolution na may petsang Agosto 26, 2020 ng First Division ng SC sa petisyon ng mga nasabing PAO clients, ang mga magulang ng Dengvaxia vaccinees na pinamagatang “In Re: Extremely Urgent Petition to Transfer Venue and Consolidate Cases in One Regional Trial Court,” kung saan inaprubahan ng SC ang naturang petisyon at nagbigay ng kautusan na i-raffle ang mga kaso sa ISANG Family Court na isang Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City.
Dahil dito, ang 57 criminal complaints na naka-file sa Department of Justice (DOJ) at ang 102 pang criminal cases na ipapa-file ay nakasisiguro nang mabibistahan sa tamang hukuman na may kapangyarihan magdinig ng mga nasabing kaso. Maaalala na ang criminal cases na isinampa ng “DOJ State Prosecutors” sa Metropolitan Trial Courts (MTCs) ay na-dismiss. Dahil dito, naantala ang hearing at pag-inog ng gulong ng hustisya kung sa mga tamang korte (RTCs) agad naisampa. Gayunman, nagpapasalamat kaming lahat sa PAO, mga kliyente namin at kapanalig sa kasong ito sa pagpanig sa amin ng SC, lalo na kay Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta, at Honorable Court Administrator Jose Midas P. Marquez. Dahil sa kanilang ginawa, patuloy na nabubuhay ang aming pag-asa sa isang Supreme Court bilang Tanggulan ng Hustisya na may puso sa masa at mga biktima. Kabilang sa mga biktimang naghihintay ng hustisya ang yumaong si Lloyd D. Babia.
Si Lloyd ay 11-anyos nang namatay noong Nobyembre 23, 2017. Siya ang ika-37 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Lloyd ay nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan, una noong Abril 16, 2016 at pangalawa noong Disyembre 5, 2016.
Pagsapit ng ikalawang linggo ng Setyembre, 2017, napansin ni G. Ricky John Babia, ama ni Lloyd na pumapayat at nawawalan ng ganang kumain ang kanyang anak. Mas pumayat pa diumano ito sa pagdaan ng mga linggo.
Pagsapit ng Nobyembre, lumala ang kondisyon ni Lloyd at humantong ito sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:
1. Nobyembre, 2017 - Ikalawang linggo ng buwang ito, nagkaroon si Lloyd ng chickenpox.
2. Nobyembre 21, 2017 - Nakaranas siya ng stiff neck. Dinala siya ng kanyang nanay na si Sunshine A. Diaz sa isang ospital sa Antipolo, Rizal. Ang stiff neck umano ni Lloyd ay dala lamang ng posisyon niya sa pagtulog, ngunit nag-umpisa na siyang magkalagnat at ito ay naging pabalik-balik.
3. Nobyembre 22, 2017 - Tumaas ang kanyang lagnat at nag-umpisang magreklamo ng hirap sa paghinga. Lumabas ang mga pantal sa katawan ni Lloyd at ang mga ito ay kalat sa maraming parte ng kanyang katawan at nanginginig din siya. Dinala ni G. Babia si Lloyd sa isang ospital sa Cardona, Rizal, alas-2:00 hanggang alas-3:00 ng hapon. Hindi natanggap si Lloyd doon dahil wala itong pasilidad para sa kanyang kalagayan.
Sumunod na dinala ni G. Babia si Lloyd sa isang ospital sa Morong, Rizal, alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at sinabi ng pediatrician na allergy lang ito. Nag-umpisang magreklamo si Lloyd na nahihirapang huminga, hindi rin nawala ang stiff neck niya at napansin ni G. Babia na hindi maayos ang paglalakad niya. Bukod pa rito, nakararanas siya ng hallucinations.
Napagpasyahan ni G. Babia na dalhin si Lloyd sa Manila. Una siyang dinala sa isang ospital sa Quezon City, alas-9:00 ng gabi. Ngunit hindi sila tinanggap doon dahil wala diumano silang isolation room para kay Lloyd na hindi pa magaling ang chickenpox, kaya sila ay ni-refer sa isang ospital sa Manila. Pagkarating doon ng alas-10:00 ng gabi, dinala si Lloyd sa emergency room kung saan siya ay sinuri at nilagyan ng suwero. Tinurukan din siya ng paracetamol para pababain ang lagnat at isinailalim sa x-ray ang parte ng kanyang leeg. Hindi nawala ang lagnat niya na gabing ‘yun at nagpatuloy din ang kanyang hallucinations.
4. Nobyembre 23, 2017 - Alas-3:00 ng madaling-araw nang bumangon siya upang umihi. Napansin ni G. Babia na nawawalan si Lloyd ng balanse sa paglalakad kaya siya ay inalalayan papuntang palikuran.
Alas-5:00 ng madaling-araw, napansin din ni G. Babia ang walang tigil na paglalaway ni Lloyd. Alas-7:00 ng umaga, habang kinukuhanan ng dugo ay bigla siyang tumigil sa paghinga. Hindi napansin nila G. Babia na sa mga panahong ‘yun ay nag-aagaw-buhay na pala si Lloyd. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, pero sa kasamaang-palad ay tuluyan na siyang pumanaw. May lumabas na likidong kulay lupa mula sa kanyang bibig at matigas ang kanyang tiyan.
Hindi matanggap ng mga magulang ni Lloyd ang trahedyang sinapit ng kanilang anak, lalo na at ayon sa kanila ay maayos ang kalusugan ni Lloyd bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Hiniling nila ang tulong ng PAO Forensic Team upang masusing masuri ang mga labi ni Lloyd, ganundin ang tulong ng PAO at inyong lingkod para sa kaukulang kaso na isasampa laban sa mga responsable sa nangyari sa kanya. Agad naming inasikaso ang mga inilapit nila sa amin, at ang kaso ni Lloyd ay mapalad na napabilang sa One Dengvaxia Court na inaasahan naming hindi lamang magpabibilis ng mga pagdinig kundi magbibigay ng pinakahihintay na lubos na hustisya sa mga biktima.
Comments