ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 6, 2023
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, maraming mga bata ang pinaniniwalaang biktima ng nasabing bakuna ang nagkaroon ng pagbabago sa ugali at may pagkakataon na sila ay tila ibang tao na.
Isa sa mga ito si Martha Camonggay, anak nina G. Dionesio at Helyn Camonggay ng Mandaue City, Cebu. Sa salaysay ng mag-asawang Camonggay, ikinuwento nila ang nangyari kay Martha noong Mayo 2, 2019 sa isang ospital:
“Ang aming anak ay nagwala at nakipag-away sa amin at pati sa kung sino ang nakatingin sa kanya sa hindi namin malamang dahilan. Dahil dito, itinali namin siya sa kama ng ospital para hindi na makapanakit sa sarili at ibang tao. Sa umpisa, tinanong kami ng doktor kung meron ba kaming lahi ng mga baliw at sinabi namin na wala. Tinanong pa kami na kung may lalaki sa aming bahay na nakagalaw sa aming anak, pero wala namang ganu’n na nangyari. Binigyan ng mga gamot si Martha tulad ng pampa-relax na gamot.”
Ang insidente sa nasabing ospital ay bahagi ng napakasakit na karanasan ng pamilya Camonggay – ang pagkakaroon ni Martha ng karamdaman na nauwi sa kamatayan, may negatibo pang mga bagay na lumambong sa kanyang pagkatao, bagama’t maaaring nabura agad sa isipan ng mga kinauukulan.
Si Martha, 11, ay namatay noong Mayo 13, 2019. Siya ang ika-140 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa Certificate of Death ni Martha, siya ay namatay dahil sa Shock Unspecified (Immediate Cause), Viral Encephalitis, (Antecedent Cause).
Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan sa Cebu City noong Hunyo 15, 2017. Noong Oktubre 18, 2018, nagsimula siyang makaranas ng pananakit ng ulo, tiyan at lagnat, gayundin, siya ay nanghihina. Dahil sa mga ito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center sa Cebu. Sila ay ni-refer sa isang health center sa Mandaue City, Cebu upang du’n ipa-examine ang dugo ni Martha. Siya ay binigyan ng antibiotics at nawala naman ang kanyang lagnat. Noong Nobyembre at Disyembre 2018, pasulpot-sulpot ang pananakit ng kanyang ulo, tiyan at lalamunan. Nawalan din siya ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pagpayat. Palagi rin siyang umiinom ng malamig na tubig at naging mainitin ang kanyang ulo.
Pagdating ng 2019, lumubha ang kondisyon ni Martha hanggang siya ay pumanaw noong Mayo 13, 2019. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Marso 19 - Matapos maihatid si Martha sa eskuwelahan, siya ay agad ding ibinalik sa kanilang bahay dahil nagdurugo ang kanyang ilong. Tumigil naman ang pagdurugo ng kanyang ilong, subalit siya ay muling nagreklamo ng pananakit ng ulo at tiyan.
Abril 18 - Sumuka si Martha habang nasa misa sa isang simbahan. Dinala siya agad sa kanilang bahay at pinagpahinga. Kilala siya sa pagiging malikot, subalit nang mga panahong ‘yun ay bigla na lamang siyang naging matamlay.
Abril 25 - Muling nag-iba ang pag-uugali ni Martha. Mula sa pagiging matamlay ay naging masungit siya at ayaw ng maingay. Naging mainitin ang kanyang ulo at madaling makipag-away. Siya ay naging tuliro at kung anu-ano na ang pinagsasabi, kaya napagdesisyunan ng kanyang mga magulang na dalhin siya sa ospital.
Mayo 1 at 2 - Dinala siya sa isang ospital sa Mandaue City, Cebu. Isinailalim siya sa electroencephalogram (EEG). Kinabukasan, inilipat din siya ng ospital dahil sa kakulangan sa pera, at du’n naganap ang pangyayaring naikuwento sa unahan ng artikulong ito.
Mayo 10 - Hindi na makakita si Martha, hindi na rin siya kumakain. Gayundin, hindi na siya tumutugon kapag kinakausap at hindi man lang gumagalaw.
Mayo 11 - Tinanggal ang kanyang pagkakatali dahil wala na siyang kibo at naninigas na ang kanyang katawan.
Mayo 12 - Sinubukan siyang kunan ng sample fluid sa spine upang masuri ito, pero walang fluid na nakuha. Matapos nito ay nahirapan nang huminga si Martha at nilagyan na ng tube sa bibig para makahinga siya. Naging kritikal na ang kalagayan niya nang panahong ito.
Mayo 13 - Ginamitan na siya ng pump para makatulong sa paghinga niya. Akala ng kanyang mga magulang, gagaling na siya kaya nagdesisyon sila na umuwi muna para bumoto sa eleksyon, pero hindi na sila nakaboto, nakatanggap sila ng mensahe na lumubha ang kalagayan ni Martha. Pagdating nila sa ospital, hindi na nila inabutan pang buhay si Martha.
Sabi nina G. at Gng. Camonggay, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Martha. Noong hindi pa natuturukan ng Dengvaxia vaccine ang aming anak ay malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksi kumilos. Gustong-gusto niyang makipaglaro sa maliliit na bata at para siyang guro ng mga batang ‘yun.
“Wala siyang naging sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay. Ang hindi namin maintindihan ay kung paano siya nagkaroon ng sakit na sinasabing naging sanhi ng kanyang kamatayan. Kabaliktaran ‘yun ng liksi niyang klase ng bata. Kami ay naniniwala talaga na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia, na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH).”
Bagama’t nagdadalamhati, matibay ang paniniwala ng mag-asawang Camonggay sa binitiwan nilang mga salita, ganundin sa desisyon nila na sa PAO Forensic Team ipagkatiwala ang forensic examination sa mga labi ni Martha. Kasabay ng paghingi nila ng tulong legal sa PAO ay ang paghiling ng nasabing forensic service sa PAO Forensic Team.
Ganito ang kanilang paninindigan, bagama’t nasabi nila sa kanilang salaysay na, “Kinausap kami ng isang doktor kung gusto pa naming magpa-autopsy para malaman kung bakit namatay si Martha, pero hindi na kami pumayag.”
Ang PAO at PAO Forensic Team ay kagyat na tumugon sa kanilang kahilingan at patuloy na nagkakaloob sa kanila at tulad nilang mga kliyente ng aming tanggapan ng mga angkop na serbisyo at naaayon sa aming mandato. Magpapatuloy ito hanggang sa makamit namin ang hustiya para sa kanila, gaanuman ito kahirap sa dami ng balakid para ganap na maisampa ang kanilang mga kaso sa hukuman.
Kommentare