top of page
Search
BULGAR

11-anyos, nag-seizure, nagka-Leukemia at nag-hallucinate bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 28, 2022



Mahilig sa sports, kumanta, mag-drawing atbp. Ano ang silbi ng mga talentong ito kung hindi na namamalas ang katangi-tanging mga biyayang ito dahil ang nabiyayaan ay tuluyan nang nagpaalam? Masayahin, aktibo, masigla at malusog na bata… Ano ang ganda ng mga salitang ito kung ang pinatutungkulan ay hindi na nakikita? Ang mga ito ay alaala na lamang ni Aling Aida L. Zarate ng Leyte sa yumaong anak na si Akira Mae L. Zarate. Gayunman, ang nasabing mga alaala ay patuloy na buhay sa isip at damdamin ni Aling Aida, na bagama’t kumukurot pa rin sa kanyang puso ay nag-iiwan ng magandang kasaysayan ng pinakamamahal niyang si Akira Mae.


Higit sa lahat, ang mga ito ay nagbibigay sa kanya ng lakas na patuloy na ipaglaban ang trahedyang nangyari sa kanyang anak.


Si Akira Mae, 11, ay namatay noong Nobyembre 5, 2018. Siya ang ika-98 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay isang beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan noong Abril 4, 2016.


Kasama niyang naturukan ang nakatatandang kapatid na si Kevin Zarate. Ayon kay Aling Aida, “Hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi naospital, maliban na lamang noong Nobyembre 2015 kung saan nagka-dengue infection siya, at noong nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos niyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”


Sabi pa ni Aling Aida, “Ang pagkakaroon niya ng dengue infection ang naging dahilan kaya ako naudyukang pabakunahan siya ng Dengvaxia.”


Pagkatapos mabakunahan ni Akira Mae noong Abril 2016, biglang nagbago ang estado ng kalusugan niya. Dahil dito, hindi na ipinagpatuloy ni Aling Aida ang pangalawang pagbabakuna sa kanya. Gayunman, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Akira Mae, na naging kritikal at humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye na naganap noong Mayo 2016 hanggang Nobyembre 2018:


· Mayo, Hunyo, Hulyo 2016 - Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang lalamunan at ng kanyang pagkamatamlay.

· Agosto 2016 - Nagkaroon siya ng UTI, mataas na lagnat, nawalan ng ganang kumain at patuloy na nangayayat. Naninikip din ang kanyang dibdib at nagbabago ang kanyang paningin.

· Agosto 2017 - Nagkaroon siya ng pabalik-balik na lagnat, pananakit ng buto at kasu-kasuan. Namumutla rin siya at nagbabago ang kulay ng kanyang balat.

· Disyembre 26, 2017 - Ayon sa doktor, posibleng may leukemia siya. Nagkalagnat siya at isinugod sa isang ospital sa Lucena City; sinalinan siya ng dugo.

· Disyembre 31, 2017; Enero 3-8, 2018 - Dahil hindi sapat ang pasilidad ng nasabing ospital sa Lucena City, inilipat siya sa isang ospital sa Manila. At doon, ani Aling Aida, “Halos ipagtabuyan nila kami.” Ang pangyayaring ito ay nasundan ng pagtungo niya sa PAO-Manila. Aniya, “Ang nakaharap ko ay si Atty. Marlon Buan na mabilis na kumilos upang kami ay matulungan. Tinulungan nila akong madala sa isang medical center ang aking anak. Pinasamahan kami ni Atty. Buan kay Atty. Santiago at inihatid kami sa naturang ospital. Hindi umalis si Atty. Santiago hanggang ma-admit si Akira Mae.


· Nanatili kami roon mula January 3, 2018 hanggang January 8, 2018. Ginamot nila ang aking anak sa kanyang sakit na leukemia.”

· Pebrero - Marso 2018 - Nalapnos ang mga balat niya at isinasailalim siya sa chemotherapy.

· Setyembre 2018 - Nagkaroon siya ng seizure. Hindi niya makayanan ang chemotherapy.

· Oktubre 22, 2018 - Mainit ang parte ng kanyang ulo kahit normal naman ang temperatura ng kanyang katawan. Hirap siyang makatayo at nanginginig ang kanyang mga kamay. Pagsapit ng tanghali, nagkalagnat siya at hindi na makatayo. May involuntary movements siya. Muli siyang dinala sa nasabing medical center.


· Oktubre 23, 2018 - Nag-seizure siya. Tinurukan siya ng pampakalma, bahagya siyang tumahan. Nagha-hallucinate rin siya, subalit ayon kay Aling Aida, “Sa gitna ng kanyang paghihirap ay nakuha pa niyang mag-sorry sa akin kung naging pasaway siya at masyado niya akong napapagod.” Dagdag pa niya, “Sinagot ko siya na hindi ako napapagod dahil mahal ko siya.”

· Oktubre 27, 2018 - Matapos siyang isailalim sa lumbar puncture, hindi na siya muling nagising. Hindi na bumuti ang kalagayan niya.

· Nobyembre 5, 2018 - Tuluyan na siyang pumanaw.


Ayon kay Aling Aida:

“Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aking anak. Palaisipan talaga sa akin ang pagkakaroon ng sakit ni Akira Mae. Wala siyang history ng pagkaka-ospital mula sa kanyang pagkabata. Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine na itinurok sa kanya ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya, hindi lamang sa dengue infection kundi pati sa cancer.”


Ang kamatayan ni Akira Mae ay hindi lamang nananatiling palaisipan kay Aling Aida, nais niya rin itong maliwanagan at mabigyan ng katarungan, kaya hiningi niya ang libreng serbisyo ng PAO at PAO Forensic Laboratory Division. Ang paghingi niya ng tulong ay hindi lamang para kay Akira Mae kundi para rin kay Kevin. Ayon kay Aling Aida, “Isa itong paghihirap sa aking dibdib dahil sa araw-araw akong nag-aalala.”


Ang pag-aalala ni Aling Aida ay mahigpit na paalala sa kanya na wala siyang ibang hinahangad kundi hustisya para sa kanyang dalawang anak. Natural na reaksiyon ito ng isang inang nawalan ng minamahal na anak at nag-aalala nang sobra para sa isa pang anak na nabakunahan din. Kaya ang sigaw ng katarungan ni Aling Aida ay hindi lamang para kay Akira Mae, ito ay para rin kay Kevin, na naturukan din ng nasabing bakuna.


תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page