top of page
Search
BULGAR

11-anyos na biglang nanamlay...

Paulit-ulit dumaing ng pananakit ng ulo, dibdib at tiyan bago namatay sa dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 28, 2020


Ang karunungan ay maaaring mawalan ng saysay kung ito ay hindi magagamit sa tamang panahon at pagkakataon. Kaya naman nararapat na maging mapagbantay sa mga palatandaan na may kaugnayan sa mahahalagang bagay. Isang saglit lamang na hindi mabigyan ng pansin o sadyang balewalain ang sitwasyon na nararapat na bigyan ng agaran at wastong pagtugon ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mga tao at kanilang ari-arian. Naisip ko ang mga ito nang mabasa ko ang sinabi ng Indian economist na si Urjit Patel ukol sa pagiging vigilante. Aniya, “An owl is traditionally a symbol of wisdom, so we are neither doves nor hawks but owls, and we are vigilant when others are resting.” Nakapanghihimagsik nga lamang ng kalooban na hindi naging vigilante ang mga kinauukulan nang nag-aagaw buhay sa emergency room si Jhon Loyd Sabatin Rodica.


Si Jhon Loyd ay 11-anyos nang namatay noong Disyembre 25, 2017. Siya ang ika-29 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.

Ayon sa ama ni Jhon Loyd na si G. Rodel dela Cruz Rodica, at sa lola ng biktima na si Gng. Delia dela Cruz Rodica ng Maria Aurora, Aurora: “October, 2017, nang makaranas siya ng pananakit ng ulo, nabanggit sa amin ni Jhon Loyd na siya ay nabakunahan sa kanilang paaralan. Binigyan lamang namin siya ng paracetamol para mawala ang kanyang lagnat.”

Pagdating naman ng Disyembre, 2017 ay napansin ng mag-inang Rodica na tumamlay si Jhon Loyd at nawalan ng ganang kumain. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo, dibdib at tiyan, gayundin, hirap siyang huminga at nagpatuloy ang nasabing sitwasyon. Noong Disyembre 17 at 21, 2017, nadagdagan ang mga nararamdaman niya. Noong Disyembre 23 at 25, 2017 naman ang mga naging kritikal na mga araw sa mga huling sandali ni Jhon Loyd na humantong sa kanyang kamatayan noong Disyembre 25, 2017. Narito ang ilan sa mga detalye sa mga nabanggit na pangyayari:


  • Disyembre 17, 2017 - Habang siya ay naglalaro, napilayan ang kanyang kanang paa at namaga ito.

  • Disyembre 21, 2017 - Nagsimula siyang magkalagnat, pinainom ng paracetamol at bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Disyembre 23 at 25, 2017 - Hindi nawala ang lagnat ni Jhon Loyd at nagrereklamo siya ng pananakit ng tiyan, ulo at dibdib. Nahirapan din siyang huminga at dahil dito, nagpasya ang kanyang ama na dalhin siya sa isang ospital sa Aurora. Subalit lumala ang kanyang kondisyon doon, kaya napagpasyahan ng ama at lola niya na ilipat siya sa isang ospital sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong Disyembre 25, 2017.

Nang nasa emergency room sila ng nasabing ospital, ayon sa ama at lola ni Jhon Loyd ay ganito ang nangyari:


“Hindi siya agad naasikaso ng mga empleyado ng nasabing ospital bukod sa nakakabit sa kanya na dextrose at oxygen hanggang sa siya ay mag-agaw-buhay mga alas-9:00 ng gabi ng parehong araw. Bigla siyang nanghina at nagreklamong hirap huminga. Agad siyang in-intubate ng mga doktor at lumabas ang dugo mula sa kanyang bibig. Pagkatapos noon ay pabugsu-bugso na ang kanyang paghinga hanggang sa siya ay binawian ng buhay bandang alas-10:00 ng gabi.”

Sa kabila ng pagkakaroon na ng nabanggit sa itaas na Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks at mga nabuwis na buhay na nabalita na rin sa media na may kaugnayan sa Dengvaxia ay hindi pa rin naibigay ng mga awtoridad ang sigasig sa pagbabantay sa kalusugan ng Dengvaxia vaccinees, at sa pagliligtas sa kanila sa kapahamakan at kamatayan. Dahil dito, nagwakas ang buhay ni Jhon Loyd nang may labis na hinagpis na iniwan sa puso ng kanyang pamilya. Sabi ng kanyang ama at lola:

“Labis ang hinagpis na aming pinagdadaanan dahil sa biglaang pagkawala ni Jhon Loyd. Walang ibang sanhi ng biglaang paghina niya hanggang sa siya ay pumanaw kundi ang sinabi niya sa aming bakuna na itinurok sa kanya noong October, 2017 dahil malakas, malusog at masigla siyang bata bago pa man siya mabakunahan ng buwan na ‘yun.”

Nagdadalamhati man, buo ang loob na nagtungo sa aming tanggapan ang mag-inang Rodica upang ihingi ng tulong ang nangyari kay Jhon Loyd. Anila,

“Dahil naniniwala kaming ang bakuna kontra dengue na itinurok kay Jhon Loyd noong October, 2017 at dahil ang mga sintomas na naranasan niya ay parehas sa mga naranasan ng mga iba pang bata na naturukan ng bakuna kontra dengue at tuluyan ding namatay, napagpasyahan naming humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay ni Jhon Loyd. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban namin ang kanyang pagkamatay.”

Hindi na maibabalik ang malusog, masigla, mahilig sa basketball, masipag mag-aral at may maraming pangarap na si Jhon Loyd. Gayunman, ipinaramdam at patuloy na ipinakikita sa salita at gawa ng inyong lingkod, kasamang public attorneys, at PAO Forensic Team na ang kaso ni Jhon Loyd ay nararapat pa ring asikasuhin nang may vigilance o may masusing pagbabantay. Mahalagang tandaan na ang landas patungo sa katarungan ay nararapat tahakin nang may pag-iingat, ngunit listong pakiramdam.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page