top of page
Search
BULGAR

11,500 workers, tambay sa ipinatupad na Alert Level 3 — DOLE

ni Lolet Abania | January 19, 2022



Nasa tinatayang 11,500 workers mula sa inaasahang 100,000 nito, ang nawalan ng trabaho simula nang ipatupad ang Alert Level 3 sa maraming lugar sa bansa, batay sa report ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Miyerkules.


Sa isang interview kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, sinabi nito na inihahanda na nila ang pagbibigay ng financial assistance sa mga nawalan ng hanapbuhay sa Metro Manila at iba pang lugar na isinailalim sa Alert Level 3 sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases.


“Although the estimate that there would be at least 100,000 to 200,000 workers that will be displaced because of the Alert Level 3, our experience, and I’m very happy to note, na as of yesterday, ang na-displace lang na workers because of Alert Level 3 ay 11,500 plus,” ani Bello.


Bukod sa bilang na ito, mayroon din aniyang tinatayang 20,000 workers naman na nabawasan ang kanilang working hours sa ilalim ng tinatawag na flexible working arrangement.


“Dahil nabawasan ang working hours nila, nabawasan ang kanilang kita, but the status of their employment is secured,” paliwanag ng kalihim.


Una nang sinabi ni Bello na ang DOLE ay naglaan ng P1 bilyon bilang antisipasyon sa posibilidad na ilang mga manggagawa ang pansamantalang ma-terminate o mabawasan ang kanilang working hours dahil sa mas mahigpit na quarantine status.


Aniya, aabot sa tig-P5,000 ang ibibigay na ayuda sa posibleng 100,000 hanggang 200,000 na displaced workers sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).


Sa kasalukuyan, ang National Capital Region (NCR) at tinatayang 50 iba pang lugar ay isinailalim sa Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.


Sa ilalim ng Alert Level 3, maraming establisimyento ang pinapayagang mag-operate ng 30% indoor venue capacity subalit eksklusibo ito para sa mga fully vaccinated individuals, at 50% outdoor venue capacity naman, basta ang mga empleyado ay fully vaccinated na.


Ang trabaho naman sa mga opisina ng gobyerno ay limitado rin sa 60% ng kanilang onsite capacity.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page