ni Lolet Abania | December 5, 2021
Umabot sa 11.4ºC ang temperatura sa Baguio City ngayong Linggo, ang pinakamababa na naitala ngayong buwan, kasabay ng nararanasang Northeast Monsoon o Amihan na nakakaapekto sa Luzon at Visayas, batay sa ulat ng PAGASA.
Ayon din kay PAGASA weather specialist Chris Perez, ang pinakamababang temperatura ngayong buwan sa bahagi ng Science Garden sa Quezon ay umabot naman sa 20.4°C, na nai-record din ngayong Linggo ng umaga.
“So far, sa monitoring station natin simula noong December 1, ang pinakamababa sa may bandang Baguio City ay umabot ng 11.4°C kaninang madaling-araw. Samantala, dito sa Science Garden sa Quezon City, kanina rin umabot ng 20.4 degrees Celsius ang minimum temperature,” sabi ni Perez sa isang radio interview ngayong Linggo.
Sinabi pa Perez na dahil sa patuloy na nararanasang Northeast Monsoon o Amihan season, ang temperatura ay posible pang bumaba sa Enero o Pebrero sa susundo na taon.
Habang sa Metro Manila aniya, ang minimum temperature ay maaaring maitala sa 19°C hanggang 21°C.
Comments