ni Gerard Peter - @Sports | March 23, 2021
Sinipa ni dating two-time Southeast Asian Games medalist Orencio James “OJ” De Los Santos ang kanyang ika-10 gintong medalya sa 2021, habang muling nangningning ang teen rising sensation na si Fatima A-Isha Lim Hamsain sa pagbulsa ng dalawang titulo sa 2nd Leg ng E-Karate World Series.
Dinaig ng 31-anyos na dating national team member ang kanyang masugid na katunggaling si Silvo Cerone Biagioni ng Fourways Martial Arts Academy ng South Africa sa Shotokan e-kata Individual Male Seniors championship match, ngunit bago rito ay tinalo niya si Matias Moreno Domont ng Karate-Do Biel-Bienne ng Switzerland sa semifinal round. “I’m very happy winning my 10th gold medal; I really plan to continue the streak and maintain the no. 1 spot. Not only that,” pahayag ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging.
Ito na ang ika-46na titulo ng 8-time national games champion kasunod ng panalo sa #2 Katana Intercontinental league Paris, 2nd leg ng Sportsdata e-tournament World series, Adidas US Karate Open E-Tournament noong isang buwan, habang nanalo rin ito ng gintong medalya sa Athlete’s E-Tournament Series #1, at Budva Winner-Aria Cup #1 eTournament, habang nakuha nito ang pinakamataas na puntos sa online-virtual competition sa 1st leg ng Katana International League.
Bumanat din ng kambal na gintong medalya ang 14-anyos mula Senator Renato Cayetano Memorial Science and Technology High School nang magwagi ito ng gold medal sa Shotokan e-kata individual female U-16 laban kay Maria Anna Pappa ng Greece sa iskor na 23.7-23 sa final round.
Sunod na kinubra nito ang panalo sa Shotokan e-kata individual female U-18 laban kay Lea Gomolka ng Germany sa 23.4-23, ngunit bago ito ay ang laban kay Maria Eleni Statelli ng Greece via 23.5-23.2 sa semifinal round.
Comments