ni Mary Gutierrez Almirañez | May 13, 2021
Gagastos ng mahigit P250 million ang bilyonaryong si Enrique Razon para mapabilis ang pagpapatayo ng kanyang COVID-19 mega vaccination site sa Parañaque City, kung saan tinatayang 10,000 indibidwal ang kayang i-accommodate kada araw.
Ayon din kay Razon, hindi pa kasama sa nabanggit na halaga ang sasahurin ng mga medical personnel na magbabakuna sa kanyang mga empleyado.
Sabi pa niya, "That's just the start up… But that is not just a site... There is a whole infrastructure, training, investment and research, handling capability."
Pitong milyong doses ng Moderna COVID-19 vaccines ang binili ni Razon sa American pharmaceutical company at inaasahan namang darating sa susunod na buwan ang 1% nito o halos 70,000 doses na nakalaan para sa kanyang mga empleyado.
"As soon as it arrives, we want to start inoculation right away," giit pa niya.
Samantala, inaasahan namang darating ngayong buwan ang initial 194,000 doses ng Moderna, bilang bahagi ng 13 million doses na binili ng pamahalaan, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr..
Comments