ni Mylene Alfonso, Mai Ancheta at Alvin Fidelson | May 23, 2023
Pito katao ang nasugatan matapos masunog ang halos 100 taon nang gusali ng Philippine Postal Corporation-Manila Central Office na nasa Liwasang Bonifacio, Magallanes Drive, Ermita, Maynila.
Batay sa inisyal na ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:43 ng hatinggabi nang magsimula ang sunog sa Philpost na umabot sa general alarm at idineklarang fire under control alas-7:22 ng umaga.
Sa ulat, nagsimula umano ang sunog sa basement ng gusali at agad na umakyat hanggang sa ikaapat na palapag ng gusali.
Kabilang sa mga nasugatan ang limang BFP firemen na sina FO2 Joel Libutan, FO1 Carlo Abrenica, SFO2 Julio Erlanda, FO2 Jeremy Roque at FO1 Josaphat Araña sanhi ng mga paso sa katawan.
Gayundin, nagkaroon ng sugat sa kaliwang kamay ang fire volunteer na si Toto Doslin at Elaine Dacoycoy, 16, na nagtamo ng bali sa katawan.
Tinaya ng BFP na nasa P300 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Nasunog din ang mga parcel at sulat habang ang mga files at documents ay nasa cloud storage o naka-save online.
Papalitan naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga Philippine Identification cards na nasunog.
Batay sa inisyal na impormasyong ibinigay ng PHLPost, tanging PhilIDs ng mga taga-lungsod ng Maynila ang naapektuhan ng sunog, at inaalam na kung ilan ang mga ito.
Hindi kasama sa nasunog ang PhilIDs na ide-deliver sa ibang mga lugar dahil ang mga ito ay nakaimbak sa Central Mail Exchange Center ng PHLPost sa Pasay City.
Kaugnay nito, nanghihinayang at nalulungkot si Postmaster General Luis D. Carlos sa insidente.
“Masusi po kaming nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection sa posibleng sanhi ng sunog na tumupok sa gusali ng MCPO”, ani PMG Carlos.
Ayon kay Carlos, pinapayuhan nila ang kanilang mga kliyente sa Manila Central Post Office na sa halip ay pumunta sa kanilang sangay sa Maynila, Ermita Post Office at Metro Manila.
Sinisiguro nila sa publiko na bukas pa rin at tuloy ang serbisyo ng Post Office sa buong bansa upang tumanggap at maghatid ng sulat at parsela.
Siniguro naman na maghahanap sila agad ng temporary office at ililipat muna ang kanilang mga kartero mula sa Manila Central Post Office papunta sa kanilang mga karatig na sangay sa Maynila.
Comments