ni MC @Sports | February 1, 2023
Nanatili pa rin sa Pransiya si Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino para ayusin pa ang magiging kampanya ng Pilipinas para sa susunod na 2024 Olympics.
Ang rason kung bakit naroon ang sigla at kahandaan ng 'Pinas, ito kasi ang ika-100 taon na paglahok ng bansa sa Olympics sa 2024 at muling magtatala ng kasaysayan sa Paris.
“It’s a century of Filipino athletes’ campaign in the Olympics,” ayon kay Tolentino, na unang naging abala sa pagselyo ng aayusin pre-Olympic training venue sa Academos Sports Center sa Moselle sa siyudad ng Metz. “Hidilyn Diaz [Naranjo] won for the country its first Olympic gold medal in Tokyo, and that was historic,” ani Tolentino. “But how about a more historic centennial Olympic campaign?”
Unang sumalang ang Pilipinas sa Olympics sa Paris 1924 kung saan si David Nepomuceno ang nag-iisang kinatawan sa 100 at 200 meters ng athletics.
Lumahok ang bansa sa 21 pang sumunod na Olympics at makaraan ang Tokyo Olympics nitong 2020+1 ay nakakolekta na ang bansa ng 14 medals—one gold, five silver at eight bronze medals.
Lumagda si Tolentino ng memorandum of agreement noong Huwebes kasama ang mga opisyal ng City of Metz sa pamumuno ni La Moselle President Patrick Weiten kung saan ang MOA event ay sinaksihian ng French media.
Ang video clip ng gold medal campaign ni Diaz-Naranjo sa Tokyo maging ang boxing silver medalists na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial ay itinampok sa French television. Ang Pilipinas ang unang lumagda ng training agreement kay Moselle, isa sa ilandaang Pre-Games Training Centers para sa Paris 2024 na sinertipikahan ng French organizers at International Olympic Committee. Ang pre-Olympic training program, na gagawin ng ilang buwan bago ang Hulyo 26 hanggang August 11 ang una sa POC history.
Comments