ni Lolet Abania | September 5, 2022
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_31423ddaa3f844908ff722c15c9800b7~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_31423ddaa3f844908ff722c15c9800b7~mv2.jpg)
Tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang naganap na sunog sa Quezon City, ngayong Lunes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay sa report ni Fire Inspector Renato Esguerra, bandang alas-10:00 ng umaga sumiklab ang sunog sa Barangay Baesa ng nasabing lungsod, habang idineklarang fire out ng alas-12:43 ng tanghali.
Ayon sa BFP, katulong nila ang mga residente, kung saan gamit ang kanilang mga timba na may lamang tubig sa pag-apula ng apoy.
Paliwanag ni Esguerra, hindi naubusan ng tubig ang kanilang firetruck, kundi nais lamang tumulong ng mga residente sa lugar para anila, hindi na lumaki at kumalat pa ang apoy.
Sa ngayon, nasa isang covered court ang mga pamilya na apektado ng sunog.
Wala namang nai-report na nasaktan sa insidente.
Sinabi ng BFP na posibleng electrical problem ang naging dahilan ng sunog, habang patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente.
Comentários