ni Lolet Abania | March 11, 2022
Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga higher educational institutions na magsagawa ng kanilang face-to-face classes na nasa 100% ang classroom capacity sa mga lugar na nasa Alert Level 1, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.
Ito ang inanunsiyo ni acting deputy presidential spokesperson Kris Ablan na batay sa ilalim ng IATF Resolution 164 na inisyu ngayong Biyernes, Marso 11.
“On classroom capacity, the allowable seating capacity in classrooms of HEIs in areas under Alert Level 1 is at a maximum of 100% capacity,” nakasaad sa IATF Resolution.
Gayunman, ayon sa IATF, ang mga participants sa in-person classes ay mananatiling limitado para sa mga teaching, non-teaching personnel, at estudyante na fully vaccinated na kontra-COVID-19.
Ang mga unvaccinated o partially vaccinated na mga estudyante na nasa Alert Level 1 areas ay mananatili naman sa ilalim ng flexible learning modalities.
Para sa operasyon ng HEI student dormitories, sinabi ng IATF na wala nang magiging restriksyon sa kanilang operational capacity subalit dapat na mag-secure ang HEI ng clearance mula sa kanilang local government unit (LGU).
Sa ibinigay naman na requirement para sa HEIs bago ang operasyon sa mga lugar na nasa Alert Level 1, ayon sa IATF, kailangan nilang kumuha ng self-assessment checklist na nakasaad sa CHED-DOH Joint Memorandum Circular No. 004-2021, saka magbubukas sa ilalim ng self re-opening.
Comments