top of page
Search
BULGAR

100 barko ng China, naispatan sa WPS

ni Mylene Alfonso | April 29, 2023




Mahigit 100 barko ng China ang naispatan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).


Ayon kay Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela, isinumite na ng PCG sa

National Task Force West Philippine Sea (NTFWPS) ang ulat kaugnay sa mga barko ng China sa WPS partikular na ang Chinese warship sa Philippines' Exclusive Economic Zone (EEZ).


Bukod pa sa ginagawang agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard (CCG) laban sa barko ng PCG.


Nabatid na nakita ng PCG ang mahigit 100 barko ng China sa isinagawang maritime patrols sa WPS noong Abril 18 hanggang 24.


Kabilang sa mga barko ng China ang kanilang Chinese Maritime Militia vessels, People's Liberation Army Navy corvette, at dalawang China Coast Guard vessels.


Sa malapit umano sa Sabina Shoal, 18 na Chinese Maritime Militia vessels, ang nakita.


Hindi umano sumunod ang mga barko ng China na lisanin ang lugar sa kabila ng napakaraming tawag sa radyo.


Sa may Pag-asa Island, apat pang Chinese Maritime Militia vessels, ang nakita na nangingisda sa karagatan na pinaalis ng Philippine vessels.


Sa bisinidad naman ng Julian Felipe Reef, 17 grupo ng mahigit 100 Chinese Maritime Militia vessels ang nakita.


Idineploy ng PCG ang kanilang Rigid Hull Inflatable Boats para sila ay paalisin pero hindi sila sumunod.


Noong Abril 21, 2023, isang Chinese People's Liberation Army (PLAN) Navy vessel na may bow number 549 ang humarang sa PCG vessels sa distansiya ng seven nautical miles mula Pag-asa Island.


Binantaan pa ng Chinese gray ship ang PCG sa radyo na lisanin ang lugar o magkakaproblema sila kapag hindi sila umalis.


At nitong Abril 23, CCG vessels na 5201 at 4202 ang naharang ng PCG sa Ayungin Shoal.


Unang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi isusuko ng Pilipinas sa China kahit pa ang pinakamaliit na teritoryo ng Pilipinas.


Comentarii


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page