top of page

10 yrs. kulong at kasong kriminal sa ilegal na pangingisda

  • BULGAR
  • Dec 18, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 18, 2022


Ayon sa Republic Act (R.A.) 8550 (An Act Providing for the Development, Management and Conservation of the Fisheries and Aquatic Resources, Integrating all Laws Pertinent Thereto, And For Other Purposes), layunin ng estado na panatilihing protektado ang “fishery resources” upang matugunan ang pangangailangang pagkain ng populasyon ng bansa. Kaugnay nito ay ang polisiya ng pamahalaan na ibigay ang eksklusibong paggamit sa mga Pilipino ng mga fishery at aquatic resources.


Layunin ng batas ang pangalagaan ang mga lamang dagat at ipagkaloob sa mga mangingisda at fisherfolks ang prayoridad sa paggamit sa mga tubig ng munisipyo (municipal waters). Ang pangangalaga ng mga laman dagat ay isang uri ng pangangalaga ng estado sa mamamayan.


Ang mga laman dagat ay may karapatang mapangalagaan laban sa polusyon na dulot ng mga marine litters, pagtatapon ng mga basura sa dagat, pagtagas ng mga petrolyo o langis mula sa mga barko at iba pang sasakyang pandagat at paggamit ng mga ipinagbabawal na kemikal sa pangingisda. Ang paggamit ng kuryente (electrofishing) at dinamita sa pangingisda ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.


May karapatan din ang mga isda na mapangalagaan ang kanilang mga pinamumugaran. Ang mga corals at coral reefs ay mahalagang mapangalagaan para sa kapakanan ng mga isda sa dagat. Pinarurusahan ng batas ang paghuli ng mga laman dagat sa pamamagitan ng sodium cyanide sapagkat magdudulot ito ng malaking kapinsalaan sa mga nasabing lamang dagat. Kapag nahulihang nag-iingat ng dinamita, electrofishing devices, pampasabog o anumang uri ng kemikal na nakalalason ay maaaring maparusahan na mabilanggo mula anim na buwan hanggang dalawang taon.


Upang lalong mapangalagaan ang mga laman dagat, mataas ang kaparusahan na ipinapataw ng batas sa nahuling nangingisda gamit ang dinamita o anumang pampasabog, mga nakalalasong kemikal o kuryente. Makukulong ang taong ito nang mula lima hanggang 10-taon. Bukod pa rito, maaari ring sampahan ng ibang kasong kriminal kung sa kanyang paggamit ng mga nasabing ipinagbabawal na kagamitan ay magreresulta ng pagkapinsala o pagkamatay ng ibang tao.


Ang aquatic pollution ay maaaring magresulta ng kasiraan ng mga laman dagat. Ang aquatic pollution ay isang uri ng polusyon na maaaring gawa ng tao o makina na magdudulot ng matinding pagkasira sa mga lamang dagat at maaaring maging potensyal na sanhi ng kasiraan sa kalusugan ng tao. Sinumang tao, kumpanya o korporasyon na mahuling gumagawa ng bagay na maging sanhi ng aquatic pollution ay maaaring maparusahan kung mapatunayan ng pagkakulong ng mula anim (6) na taon, isang (1) araw hanggang labindalawang (12) taon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page