top of page
Search
BULGAR

10 taon na ang nakakalipas… Tunay na salarin sa pagpaslang kay “Bong”, malaya pa rin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 1, 2023


Kapag may nangyayaring krimen, ‘di natatapos ang paghahanap ng hustisya hangga't ‘di natutukoy kung sino ang totoong salarin. Hindi sapat na may makulong lamang. Sa ganitong sitwasyon, hindi matutuldukan ang pagdaing ng katarungan.


Sa bawat krimen na humahantong sa kamatayan tulad sa mga kasong homicide o murder – hustisya ang tanging daing ng lahat.


Gayunman, paano makakamit ang hustisya kung makalipas ang halos isang dekada ay napatunayan na wala palang kasalanan ang akusado sapagkat sa simula pa lamang ay bunga na ng desperasyon sa hustisya ang pagkakadawit sa kanya?


Daing mula sa hukay ang patuloy nating maririnig dahil bagama’t lumipas ang panahon, ang hustisya ay nanatiling mailap sa yumaong biktima, at sa kanyang mga naulila.


Kaugnay sa mga nabanggit, ating ibabahagi ang kuwentong hatid ng kasong People v. Ansus (G.R. Number 247907, 2 December 2020), sinulat ni Honorable Associate Justice Rosmari D. Carandang.


Sa kasong ito, isa sa mga kliyente ng ating opisina, ang Public Attorneys’ Office o PAO, na itatago na lamang natin sa pangalang “Ramon,” siya ay natulungan natin, at nakamit niya ang hustisya mula sa pagkakadawit bilang pangunahing salarin sa pagkamatay ng biktimang itatago na lamang din natin sa pangalang “Bong”.


Kahit na napawalang-sala at napalaya na ang akusado – patuloy pa rin ang hangad natin na magkaroon ng hustisya para sa yumaong biktima. Sa araw na ito, ating talakayin ang perspektiba mula sa lente ng biktima.


Bilang paglalahad sa mga nangyari, noong Nobyembre 3, 2011, pormal na inakusahan si Ramon ng kasong murder, dahil sa pagpaslang diumano kay Bong noong Agosto 5, 2011. Matapos ang paglilitis, hinatulan si Ramon ng Regional Trial Court ng guilty sa kasong isinampa laban sa kanya.


Pagdating sa Court of Appeals, kinatigan nito ang naging desisyon ng Regional Trial Court kaya ang kaso ay umabot sa Korte Suprema.


Matapos ang masusing pagsusuri ng Kataas-taasang Hukuman sa kabuuang kaso, pinawalang-sala nito si Ramon sa kasong murder. Ayon sa Korte Suprema, mahalaga diumanong mapatunayan ang pagkakakilanlan ng pumatay. Ang mga salaysay ng saksi, at pisikal na ebidensya diumano ng prosekusyon ay taliwas sa konklusyon na ang akusadong si Ramon ang salarin, at may akda sa pagpaslang kay Bong.


Aniya, bukod sa hindi pagkakapare-pareho ng mga salaysay ng mga saksi, hindi rin naging malinaw ang naging dahilan at paliwanag ukol dito.


Batay sa Korte Suprema, ang mga bagay na ito ay sadyang nagdudulot ng malaking butas sa mga alegasyon na ang pumaslang kay Bong ay ang akusadong si Ramon.


Sa kabilang banda, ang pisikal na ebidensya diumano ay hindi rin tugma sa teorya ng prosekusyon sa Post-Mortem Examination Report.


Ayon sa nasabing report, ang mga sugat diumano ay dulot ng isang matulis at matalim na bagay na taliwas naman sa akusasyon na ang ginamit diumano ni Ramon ay isang mapurol na bagay tulad ng barreta.


Alinsunod sa mga nabanggit, binaliktad ng Korte Suprema ang naunang konbiksyon ni Ramon, at tuluyan siyang pinawalang-sala.


Sa kabuuan, ang kaso nina Ramon at Bong mula sa Regional Trial Court hanggang Korte Suprema ay inabot ng halos isang dekada.


Bagama’t, may kasabihan na “mas mabuti na ang sampung taong may kasalanan ay malaya, kaysa sa isang inosenteng tao ang mahatulan at makulong sa piitan,” hindi rin maipagkakaila na ang dalangin para sa hustisya mula sa perspektiba at lente ng yumaong biktima tulad ni Bong, at kanyang mga naulila ay nanatiling mailap.


Mula sa lente ng yumaong biktima na si Bong, tunay na hindi makatarungan na sa loob ng halos 10 taon ay masasabing malaya pa rin ang tunay na salarin.


Sa paglipas ng panahon, oras lamang ang dumaan ngunit hindi ang gulong ng katarungan. Sa kabilang banda, kapwa kaapihan ang 10 taon ng pagkakapiit para sa taong walang-sala tulad ni Ramon.


Ang kuwento nina Ramon at Bong ay isa lamang sa mga kuwento ng daing mula sa hukay. Ang mapait na sinapit at ang patuloy na paghahangad ng katarungan ay hindi lamang produkto ng imahinasyon. Bagkus, ito ay hango sa tunay na pangyayari.


Dahil dito, dalangin namin na hindi lamang makamit ang hustisya para sa bawat kliyente ng ating opisina. Sa halip, dalangin natin ang pagkamit ng katarungan sa lahat – kasama ang mga katulad ni Bong at kanyang pamilya. Nawa'y makamtan din ni Bong ang tunay na hustisya, at sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa at ang daing mula sa kanyang hukay ay maparam na.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page