ni Lolet Abania | January 18, 2021
Tinukoy na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang 10 lokasyon ng lungsod na gagawing COVID-19 vaccination sites.
Sa isang statement na inilabas ni Mayor Joy Belmonte, napili ang mga naturang lugar dahil madali itong mapupuntahan ng mga residente ng siyudad at agad silang mababakunahan.
Ang mga target na vaccination sites ay ang mga sumusunod: * Project 6 Tennis Court sa District 1 * Batasan Hills National High School District 2 * NGC Covered Court sa District 2 * Aguinaldo Elementary School sa District 3 * Dona Josefa Jara Martinez High School District 4 * Diosdado Macapagal Elementary School sa District 4 * Kaligayahan Activity Center District 5 * Fairview Covered Court sa District 5 * Emilio Jacinto Elementary School District 6 * Culiat High School sa District 6
Ayon kay Belmonte, plano ng lokal na gobyerno na magkaroon ng 24 sites upang idagdag sa tatlong ospital na pinamamahalaan ng lungsod - ang QC General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at ang Novaliches District Hospital.
“Nagsimula na tayong magtalaga ng vaccination sites para handa na tayo oras na dumating ang bakuna. We have to plan ahead to assure our people that we are doing everything to make these vaccines available as soon as possible,” sabi ni Belmonte.
Batay naman kay Quezon City Health Department head Dr. Esperanza Arias, nakapili na sila ng dagdag na vaccination sites, subalit pinag-aaralan pa ito para makasunod sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Sinabi rin ni Arias na kailangan ng standby generator set, ambulansiya at ilang kawani mula sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT). “For every site, the QC government will designate 22 employees composed of physicians, marshals, vaccinators, counselors, and admin staff,” sabi ni Arias.
Matatandaang nakiisa ang city government sa isang tripartite agreement sa AstraZeneca Pharmaceuticals at pamahalaan para sa pagkakaroon ng mahigit 1 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa lungsod. Inaasahang ide-deliver ang nasabing mga bakuna sa third quarter ng 2021.
Comments