ni Eddie M. Paez, Jr. / MC - @Sports | May 22, 2022
Pangalawang gintong medalya ang inangkin ni Rubilen Amit mula sa 31st Southeast Asian Games nang magreyna naman sa women's 10-ball pool singles event kahapon sa Hanoi, Vietnam.
Ginapi ni Amit ang kabayan na si Chezka Centeno sa event at kunin ang silver medal. Unang napagwagian ni Amit ang gold sa women's 9-ball kontra Singapore sa finals. Ito na ang ikatlong gold at silver medal ng 'Pinas sa billiards, 2 bronze at may kabuuang 8 medals. "Natutuwa ako dahil Philippines versus Philippines sa finals. Walang pressure na mapunta sa ibang bansa ang gold,” ani Amit kay Centeno.
Mag-uuwi sina Carlo Biado at Johann Chua ng tig-isang gold medal. Nanaig naman si Biado dahil sa mga crucial errors ni Chua at kunin ang ginto sa men's 10-Ball Singles nang magsagupa uli sila sa All-Pinoy finals ng event. Nadale ng US Open champion ang top spot sa bisa ng 9-3 victory kontra Chua para makabawi sa unang talo niya sa 9-Ball sa kababayan noong Miyerkules.
Samantala, abanse na sa gold medal match sina Olympian Irish Magno at Ian Clark Bautista sa boxing Hanoi. Nagwagi si Magno kontra Novita Sinadia, 5-0, sa women's 48-51 kg event, habang tinilad ni Bautista ang Cambodian na si bet Rangsey Sao sa men's 52-57 kg event.
Kasama nilang sasabak din sa gold medal matches sina Eumir Marcial at Rogen Ladon ngayong Linggo. Nagkasya sa bronze medals sina Olympic silver medalist Nesthy Petecio at Marjon Piañar sa kanilang weight divisions. Natalo si Petecio kay Vietnam's Thi Linh Tran sa semis ng women's 57-60 kg event, 3-2. Nadale si Piañar kay Indonesia's Sarohatua Lumbantobing, 4-1 sa men's 63-69 kg event.
Silver medal naman ang nakamit ni Tokyo Olympian Elreen Ando sa weightlifting kahapon kung saan nakabuhat siya ng kabuuang 223 kg upang pumangalawa kay Thi Hong Thanh Pham ng Vietnam na nakabuhat ng 230 kg at bumanat ng bagong SEAG record sa women's 64 kg.
Comments