balat bago namatay sa Dengvaxia.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 04, 2021
MahiIlig siyang sumali sa mga patimpalak sa kanilang paaralan. Hindi man palaging nagwawagi, nagkakaroon siya ng panahon na muling magsanay, maghanda at sumali upang muli ring magkaroon ng pagkakataon na magwagi. Ngunit ang huling laban na kanyang sinalihan ay hindi niya napagtagumpayan at hindi na rin siya nakasali muli upang makabawi. Ang huling laban na ito ay laban niya sa buhay at ang munting mandirigma ay si Trishanne T. Casona, nabakunahan ng Dengvaxia. Siya ay anak nina G. Jivy Casona at Gng. Marilyn Teleron ng Cebu City.
Si Trishanne ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 21, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-66 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Trishanne ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 15, 2017 sa kanilang health center. Noong Disyembre 2017, nag-umpisa siyang makaranas ng pananakit ng ulo. Nagpabalik-balik naman sa buong buwan ng Enero 2018 ang pagsakit ng kanyang tiyan, na ayon sa kanyang mga magulang ay nawawala naman kapag nilalagyan nila ng efficascent oil.
Gayunman, noong Hunyo 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Trishanne, naging kritikal ang kanyang kalagayan at siya ay pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye sa sinapit ni Trishanne:
Hunyo 18, 2018 - Alas-7:00 ng gabi, muli siyang nakaranas ng pananakit ng ulo. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay umiiyak, sumisigaw at nanghihina sa sakit ng kanyang ulo. Sumuka rin siya at pagkatapos nito ay tumirik ang kanyang mga mata at nanigas ang kanyang panga. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu City. Mababa umano ang kanyang blood pressure. Dahil kulang sa pasilidad ang nasabing ospital, sinabihan sila na lumipat sa ibang ospital na kanila namang sinunod. Agad na kinabitan doon si Trishanne ng oxygen at nakatulog pagkalipas ng ilang sandali. Alas-10:00 ng gabi, pilit siyang ginising ng kanyang mga magulang para kausapin. Siya ay sumasagot tuwing kinakausap, subalit hindi na niya maimulat ang kanyang mga mata. Matamlay at wala na siyang lakas noon.
Hunyo 19, 2018 - Alas-4:00 ng madaling-araw, ginising ni Trishanne ang kanyang ama upang magpatulong na dalhin siya sa banyo dahil naiihi siya. Binuhat siya ni Mang Jivy dahil hindi na siya makatayo at hindi maibaluktot ang kanyang mga paa. Mahinang-mahina na siya at nagreklamo ulit ng pananakit ng ulo at tagiliran. Sa buong araw na ‘yun, palagi siyang balisa at hindi makausap nang maayos. Hindi na niya makilala ang kanyang pamilya at parang hindi na siya nakakakita. Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi ay napakataas ng kanyang lagnat. Nangitim na rin ang kanyang labi at sinabayan ng kanyang convulsion at na-comatose na siya. Dahil sa kamahalan ng singil ng napaglipatang ospital, nagpasya ang kanyang mga magulang na muli siyang ilipat ng ospital.
Hunyo 20, 2018 - Alas-2:00 ng madaling-araw, sinabi ng mga doktor sa nilipatan nilang ospital na kritikal na ang kondisyon ni Trishanne at wala na ring magagawa kahit operahan pa siya. Tinanong na rin ng mag-asawa na kung muling atakihin si Trishanne ay payag ba sila na ipa-revive pa ang kanilang anak. Sa buong araw na ‘yun, hindi na gumagalaw si Trishanne at nakatirik na ang kanyang mga mata. Kahit ilawan diumano ang mga ito ng doktor ay hindi na talaga gumagalaw.
Hunyo 21, 2018 - Alas-5:00 ng hapon, inilipat siya sa ICU. Bandang alas-10:00 ng gabi, biglang nagbago ang kanyang kulay at siya ay nag-umpisang manilaw. Namuti ang kanang mukha at ang kaliwang bahagi naman ay namula at nangitim na rin. Lumabas din ang mga ugat sa katawan niya na nagmistulang balat ng ahas. Si Trishanne ay parang lantang gulay at hindi na siya gumagalaw. Ilang minuto lamang ang lumipas ay tuluyan na siyang pumanaw. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Spontaneous Intracerebral Bleed (Immediate Cause); Ruptured Arteriovenous Malformation (Antecedent Cause).
Narito ang bahagi ng pahayag nila Mang Jivy at Aling Marilyn sa pagkamatay ni Trishanne:
“Si Trishanne ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at sumali sa iba’t ibang patimpalak sa kanilang paaralan, kaya napakasakit para sa amin ang pagpanaw niya. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang mabakunahan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan, lalo na at sa loob lamang ng tatlong araw ay naging kritikal ang kanyang kalagayan hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw nang hindi namin alam ang dahilan.”
Inihahanap nina Mang Jivy at Aling Marilyn ng kasagutan ang dahilan ng kamatayan ng kanilang anak, at ang trahedya na sinapit nito ay ninanais nilang mabigyan ng katarungan. Ang mga dahilang ito ang nagdala sa kanila sa aming tanggapan. Ang inyong lingkod, special panel of public attorneys, buong puwersa ng PAO Forensic Laboratory Division, at aming mga kasama sa adbokasiya ay tila sumasali rin sa patimpalak na may kambal na gantimpala ng katotohanan at katarungan. Handog namin ito sa munting mandirigma, ang yumaong si Trishanne, at mga katulad niyang biktima na nasakripisyo ang mga buhay at pangarap dahil sa naganap na trahedya.
Bình luận