ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 30, 2022
Ang petsang Setyembre 12, 2018 ay hindi malilimutan ng pamilya nina G. Aldrin Magbanua at Gng. Rosalinda Cabasag ng Cebu. Nang araw na ‘yun ay nanganganib na mawalan sila ng matutuluyang tahanan at ang pinakamamahal nilang si Rose Al Magbanua ay nahulog at hindi nakaligtas sa pinakamatinding panganib sa kanyang buhay. Si Rose Al ay pumanaw nang araw na ‘yun.
Si Rose Al, 10-anyos, ang ika-127 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}, na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Severe Sepsis (Immediate Cause); Pedriatic Acquired Pneumonia High Risk With Hypoxia (Antecedent Cause); Hypocalcemia (Underlying Cause); Osteogenesis Imperfecta (Other significant conditions contributing to death). Subalit, ayon sa kanyang mga magulang, noong pumunta sila sa ospital upang kumuha ng kopya ng kanyang Death Certificate, sinabihan sila ng doktor na hindi nila tiyak kung ano ang totoong sanhi ng pagkamatay ng kanilang anak. Si Rose Al ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 11, 2017 sa isang sports complex sa Cebu. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani ng health center sa kanilang lugar.
Si Rose Al ay may Hypokalemic Periodic Paralysis. Ito ay nalaman ng kanyang mga magulang noong 2012, noong nagreklamo siya ng panghihina at hirap sa paglalakad. Siya ay pinatingnan sa doktor at niresetahan ng gamot para sa kanyang karamdaman upang mapunan ang kakulangan ng potassium sa kanyang katawan. Ito ay kanyang ininom nang isang taon. Dahil may sakit din siya sa bato, sinabihan ang kanyang mga magulang na mas magandang herbal supplements ang inumin niya dahil masama sa kidney ang gamot, kaya ‘yun naman ang kanilang ginawa. Narito ang mga naging karamdaman ni Rose Al mula taong 2013 hanggang siya ay pumanaw noong Setyembre 12, 2018:
2013 - Nabalian ng kamay si Rose Al dahil sa pagkakadulas niya sa sahig. Kinailangang operahan ang kanyang kaliwang kamay, subalit hindi natuloy dahil mababa ang kanyang potassium level.
2016 - Sumunod na nabali ang kanyang kaliwang paa dahil naapakan ito ng bata. Hindi agad siya naoperahan dahil mababa ang potassium level niya.
2017 - Nagreklamo ng pananakit ng puson si Rose Al at madalas siyang umihi. Inom din siya nang inom ng tubig at nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.
Hunyo 28, 2017 - Dahil dito, inilapit siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu upang ipasuri at malaman kung ano ang sanhi ng mga nararamdaman niya. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, mababa ang level ng kanyang potassium, calcium at phosphorus.
Hulyo 5, 2017 Isinailalim sa ultrasound si Rose Al at nakitang maraming maliliit na bato sa kanyang kidney. Siya ay niresetahan ng gamot para tunawin ang mga bato niya sa kidney.
Setyembre 2017 at mga sumunod na buwan - Sa tulong ng isang religious organization, nasuri ng doktor si Rose Al at isinailalim sa bone scan. Ayon sa doktor, marupok ang mga buto niya at siya ay may osteoporosis imperfecta. Sa mga sumunod na buwan, nagpatuloy ang hindi magagandang nararamdaman niya. Sa kagustuhan nilang maipagamot si Rose Al, nagtrabaho nang full time ang kanyang mga magulang. Gayunman, pinaiinom lang siya ng gamot. Salaysay ng mag-asawa, “Labis ang kagustuhan naming dalhin siya sa ospital upang masuri ng doktor, subalit dahil sa sobrang kahirapan sa buhay ay hindi namin ‘yun magawa. Napakasakit na makita naming naghihirap nang ganu’n ang aming anak.”
Enero 2018 - Namaga ang kanyang mukha at dalawang paa at nakaluhod na maglakad. Hinang-hina siya, gayundin, siya ay nagkalagnat na may kasamang paglalagas ng buhok. Masakit din ang kanyang dibdib, mga tuhod, at mababang parte ng likod at ito rin ay namaga. Nagkaroon din siya ng bukol sa kaliwang paa. Hindi natutunaw ang gamot na kanyang iniinom. Hindi rin bumuti ang kalagayan niya at pilit niyang tinitiis ang mga nararamdamang ito.
Setyembre 12, 2018 - Umaga noon, habang pinalalayas sa kanilang inuupahang bahay ang pamilya, sumigaw si Rose Al na masakit ang kanyang mga buto at hindi na niya kaya. Dinala siya ni Aling Rosalinda sa isang health center upang kumuha ng endorsement sa isang ospital sa Cebu. Dumating sila sa ospital at si Rose Al ay na-admit nang alas-2:30 ng hapon. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nag-seizure siya at nangitim ang kanyang mga paa pataas sa kanyang ulo hanggang sa iginupo na siya ng kanyang kalagayan at siya ay nawalan na ng hininga. Sinubukan pa siyang i-revive, pero tuluyan na siyang pumanaw.
Salaysay ng mag-asawa, “Bagama’t nagkaroon ng problema ang aming anak sa kanyang kalusugan dahil mababa ang kanyang potassium, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection. Siya ay malambing, mapagmahal at masiglang bata sa kabila ng mga nararamdaman niya sa katawan.
“Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Rose Al. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Nakakapagtaka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Lalong lumala ang kanyang mga nararamdaman sa katawan dahil sa low potassium na namana niya mula sa kanyang ama. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aming anak.”
Sa kanyang murang edad, naranasan ng yumaong si Rose Al ang maging matiisin. Kuwento ng kanyang mga magulang, “Maraming tiniis si Rose Al na sakit sa kanyang katawan, subalit tiniis niya ang lahat nang ‘yun dahil naaawa siya sa aming mag-asawa na palaging naghahanap ng malalapitan, mapagamot lamang namin siya sa kanyang karamdaman na lalong lumala nang dahil sa Dengvaxia vaccine.”
Ang kuwentong ito ng pagtitiis na nauwi sa pagbubuwis ng buhay ni Rose Al ay kailangan nang matuldukan. Sa kahirapan ng kanyang mga magulang ay natutong magtiis ni Rose Al kahit masama ang kanyang mga nararamdaman. Sa kanyang murang edad, natuto siyang tanggapin nang maluwag ang kanyang sakit na pinalala pa ng naturang bakuna. Kaya kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na kanilang nilapitan ay patuloy na nagpupunyagi sa labang pangkatarungan para kay Rose Al at sa mga tulad niyang biktima.
Comentários