top of page
Search
BULGAR

10-anyos, humaba ang biyas, lumaki ang puso at tiyan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 25, 2022



Sa pag-inom ng mga gamot, may inaasahang kagalingan ng katawan at kalooban ang mga taong nireresetahan at tumatanggap ng mga ito. Subalit ang mga gamot ay walang taglay na mahika o milagro, kaya may hangganan ang bisa nito. Dahil dito, may mga pagkakataon na hindi kayang agawin ng mga gamot ang buhay sa kamatayan ng pasyenteng may malalang karamdaman.


Maaari lamang nitong mabigyan ng palugit ang pasyente sa panahong kanyang ilalagi pa sa lupa.


Ganito ang nangyari kay Levon Zirine C. Santos.


Si Levon Zirine, namatay noong Nobyembre 18, 2018, ang ika-102 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Nobyembre 30, 2017 sa isang health center sa Malabon.


Ayon kay Gng. Edna, ina ni Levon Zirine, ang kanyang anak ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, bukod lamang nang siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Gayunman, aniya, “Matapos siyang maturukan ng bakuna kontra dengue, biglang nagbago ang kanyang kalusugan.”


Noong ikalawang linggo ng Disyembre 2017, halos dalawang linggo matapos siyang maturukan ng Dengvaxia, napansin ng kanyang mga magulang na humahaba ang biyas niya. Kasabay nito ang kanyang pangangayayat at nagkaroon din siya ng ubo. Dahil dito, pinatingnan siya sa doktor at siya ay binigyan ng antibiotics. Pagdating ng 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman at lumubha ang kanyang kalagayan na humantong sa kanyang pagpanaw.


Narito ang kaugnay na mga detalye sa nangyari kay Levon Zirine:


  • Unang linggo ng Enero 2018 - Muli siyang dinala sa isang ospital sa Quezon City at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at napag-alamang siya ay may pneumonia.

  • Enero 30 - Isinailalim siya sa 2D Echo. Base sa resulta, lumaki ang kanyang puso at mahina ito. Sa pagdaan ng mga araw, nagpatuloy ang pangangayayat niya. Na-confine siya sa nasabing ospital sa Quezon City nang dalawang linggo.

  • Marso at Abril - Lumaki ang tiyan at ari niya. Ayon kay Aling Edna, mula nang inilabas siya sa ospital noong Pebrero 2018, panay ang follow-up check-up sa kanilang anak. Ilang beses siyang isinailalim sa 2D Echo at base sa mga resulta, hindi bumuti ang kalusugan niya. Sinabihan din ng doktor ang kanyang mga magulang na bawasan ang liquid intake niya dahil bihira siyang umihi sa isang araw at kaunti ang inilalabas niyang ihi. Binigyan siya ng gamot pampaihi.

  • Oktubre 2018 - Lalong lumaki ang tiyan niya. Hindi na ito lumiit pa sa kabila ng pagbawas ng kanyang iniinom.

  • Nobyembre 9, madaling-araw - Nagsuka siya; muli siyang dinala sa naturang ospital at pagdating du’n, patuloy ang kanyang pagsusuka. Wala ring rehistro ang blood pressure niya pero mataas ang bilang ng kanyang pulso na umaabot ng mahigit 150 bpm. Ipinagbawal pa rin sa kanya ang pag-inom ng tubig. Masakit din ang kanyang dibdib at tiyan. In-admit siya sa ospital at nilagay sa ICU at isinailalim siya sa 2D Echo at base sa resulta ay sobrang mababa ang functionality ng puso niya. Hindi na bumuti ang kanyang kalagayan. Ang masakit na katotohanan ay kaya na lamang siya pinapainom ng gamot ay para makapiling pa siya ng kanyang pamilya nang ilang araw. Wala nang bisa ang mga gamot na ibinibigay sa kanya para mapakalma siya. Nagpatuloy ang pagrereklamo niya ng pananakit ng tiyan, dibdib at katawan.

  • Nobyembre 18 - Iginupo siya ng kanyang mga nararamdaman at tuluyan na siyang pumanaw, alas-6:30 ng umaga.


Ayon sa kanyang ina,


“Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Isa siyang masigla, aktibo at malusog na bata, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya. Naniwala kaming makabubuti sa kanya ang bakuna, kaya pumayag kaming mabigyan siya nito.


“Naloko kami nang pinaniwala nila kaming makabubuti ang Dengvaxia sa kanya at ito lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak.”


Isa si Levon Zirine sa mga Dengvaxia vaccinees na ang mga kaso ay inilapit sa aming tanggapan na nakaranas ng labis na paghihirap bago tuluyang pumanaw. Ayon pa sa kanyang ina, “Namayat siya nang husto at lumaki ang kanyang tiyan. Naging kaawa-awa ang hitsura ng aking anak. Ang haba ng paghihirap niya bago sumuko ang kanyang murang katawan.”


Sa trahedyang sinapit ng mga nasabing biktima dala ng pahirap sa katawan at isipan nila at ng kanilang pamilya, hustisya ang aming inilalaban. Katulong ang aming tanggapan ng mga naulilang magulang at pamilya upang makamtan nila ang katarungang inaasam at mapanagot ang mga taong nasa likod ng pagkakasakit at maagang kamatayan ng kanilang mga minamahal na anak. Nawa’y aming makamtan sa lalong madaling panahon ang inaasam nilang hustisya mula sa ating mga hukuman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page