ni Lolet Abania | March 15, 2022
Arestado ang 10 indibidwal matapos na makuhanan umano ng tinatayang isang tonelada ng hinihinalang shabu sa inilatag na checkpoint ng mga awtoridad sa Infanta, Quezon, madaling-araw ngayong Martes.
Sa ulat, sakay ng tatlong van ang mga suspek habang naharang ang mga ito sa isang checkpoint sa Barangay Cumon, Infanta, Quezon. Nang inspeksyunin ng mga awtoridad ang van tumambad sa kanila ang mga hinihinalang shabu.
Agad ding inaresto ng (National Bureau of Investigation) NBI Task Force on Illegal Drugs at Philippine National Police (PNP)-Quezon ang mga suspek habang nakumpiska sa kanila ang halos isang tonelada ng hinihinalang shabu.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng inventory sa NBI Taytay, Rizal.
Hindi pa mabatid ng mga awtoridad, kung saan nanggaling at dadalhin ang mga hinihinalang shabu na anila, sinubukang ipuslit ng mga suspek palabas ng Infanta, Quezon.
Ayon sa pulisya, posibleng nanggaling pa umano ito sa Pasipiko.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.
Comentarios