ni Twincle Esquierdo | December 9, 2020
Naaresto ang isa sa mga suspek sa pananaksak sa 18-anyos na panadero sa Valenzuela City matapos ang mahigit isang linggo.
Sinita ang 38-anyos na lalaking hindi na binanggit ang pangalan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Sta. Cruz, Maynila.
Matapos kapkapan, nakuha sa kanya ang bladed weapon at napag-alaman sa imbestigasyon na pinaghahanap siya sa isang murder case.
Nangyari ang krimen noong Nobyembre 28 at kinilala ang biktima na si Vinz Toling na isang panadero.
Ayon sa inaresto, dalawang araw pa lang siya sa trabaho nang makainuman ang biktima kasama ang isa pa nilang katrabaho na hindi binanggit ang pangalan.
Nagkasagutan ang dalawa niyang katrabaho dahil sa hindi pagkakaunawaan, at dito na nag-umpisa ang gulo. Unang kumuha ng kutsilyo ang biktima ngunit naunahan siyang hampasin ng kanyang nakaalitan at du'n pinagsasaksak.
Umawat umano ang naaresto ngunit hindi niya nahawakan ang dalawang katrabaho.
Matapos ang krimen ay binigyan siya ng suspek ng P800 para makalayo kaya napilitan umano siyang magtago.
Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, commander ng Sta. Cruz Police, kaduda-duda ang hindi pagre-report ng lalaki sa nangyaring krimen at maging ang pagtatago niya sa Tondo.
Pinasusuko na rin siya ng kapatid dahil nakatatanggap sila ng pagbabanta mula sa pamilya ng biktima.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa pagpatay.
Kommentare