ni Lolet Abania | February 3, 2021
Ipinag-utos ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang agarang paglikas ng mga residente sa kahabaan ng Radial Road 10 matapos mai-report ang isang ammonia leak sa Barangay North Bay Boulevard South ngayong Miyerkules nang hapon.
Ayon kay Tiangco, nagmula ang leak ng ammonia sa T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage. “Ang likod po niyan is residential area facing R-10 so kaagad pong pumunta ‘yung Bureau of Fire natin doon at ‘yung mga ambulansiya para ilikas po ‘yung mga matatanda at saka ‘yung mga bata,” sabi ng alkalde.
“Sinagad na namin along R-10 (ang evacuation) kasi ‘yung T.P. Marcelo is facing North Bay Boulevard pero ‘yung likod nu’n, puro residential. Papuntang C-3 ie-evacuate na namin,” dagdag pa ni Tiangco.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Samantala, kinumpirma ni Tiangco na isa ang namatay habang maraming residente ang isinugod sa pagamutan matapos makalanghap ng amoy mula sa ammonia na tumagas sa nasabing ice plant.
Comments