top of page

1 patay sa Delta variant sa Marinduque

  • BULGAR
  • Aug 20, 2021
  • 1 min read

ni Lolet Abania | August 20, 2021



Pumanaw na ang isa sa anim na residente sa lalawigan ng Marinduque na tinamaan ng Delta variant ng COVID-19.


Sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes, sinabi ni Governor Presbitero Velasco, Jr. na ang nasawing pasyente ay mayroong comorbidity. Wala namang iba pang binanggit na detalye ang gobernador tungkol sa pasyente.


“Sa anim po, ‘yung isa po, ay minalas tayo, pumanaw na po. Pero ang sabi po sa akin ay meron naman pong comorbidity ‘yun, may ailment,” ani Velasco.


Noong Agosto 16, ang probinsiya ay nakapagtala ng 6 na kaso ng nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa 2 barangay ng munisipalidad ng Santa Cruz.


Agad na ipinag-utos ni Santa Cruz Mayor Antonio Uy ang paghahanda ng local government unit ng isasagawang mas mahigpit na quarantine sa lugar.


“We made sure that our contingencies were in place and food, medicines, tents, and isolation units are prepared for stricter quarantine protocols that will be imposed,” ani Uy.


Sa ngayon ayon kay Velasco, nakapagtala ng tinatayang 1,300 kaso ng COVID-19, kung saan aniya, tumaas nang husto ang bilang mula sa 390 infections lamang noong Mayo.


Gayunman, sinabi ni Velasco na nasa kabuuang 250 ang nananatiling active cases.


Hiniling naman ng governor na ipatupad ang mas mahigpit na quarantine classification ng kanilang probinsiya, na mula sa modified general community quarantine (MGCQ) ay gawing general community quarantine (GCQ).

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page