ni Lolet Abania | January 17, 2022
Tatlong inmates ang nakatakas sa maximum security compound ng New Bilibid Prison ngayong Lunes ng umaga, ayon sa Muntinlupa police.
Tatlong jail guards at isang inmate naman ang nasugatan sa insidente, matapos silang paputukan ng baril ng mga inmates habang papatakas ang mga ito.
Agad na dinala ang mga biktima sa Ospital ng Muntinlupa para gamutin.
Kinilala ang tatlong nakatakas na inmates na sina Pacifico Adlawan, convicted sa kasong frustrated homicide at paggamit ng droga; Arwin Bio, convicted sa kasong murder at attempted murder; at Drakilou Falcon, convicted sa kasong robbery with homicide.
Sa inisyal na report mula sa Muntinlupa Police, naganap ang insidente alas-1:20 ng madaling-araw ngayong Lunes.
Agad na nagsagawa ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng follow-up operations para sa ikadarakip ng mga pumugang bilanggo.
Samantala, isa sa tatlong inmates na nakatakas mula sa maximum security sa NBP ang nabaril at napatay sa ginawang manhunt operations ng mga awtoridad.
Ayon kay Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag, ang nasawing inmates ay si Pacifico Adlawan, 49, ng Surigao del Sur. Nasentensiya ito sa kasong frustrated homicide at drug use.
Sinabi ni Chaclag, nakita ng mga awtoridad ang suspek na tumatakbo patungo sa isang creek malapit sa Muntinlupa-Cavite Expressway subalit nakorner nila si Adlawan.
“Our government forces were forced to retaliate and after some time, they neutralized the gunman who was later identified as one of the PDL escapees who bolted the MaxSeCom prison earlier at dawn today,” sabi ni Chaclag.
Narekober sa suspek ang isang 9mm pistol na may live bullets at mga basyo nito. Sinabi ni Chaclag na nagtamo naman ng minor injuries sa panig ng gobyerno.
Sa ngayon, pinoproseso na ang lugar ng engkwentro ng Philippine National Police Crime Lab SOCO team.
Gayundin, ani opisyal nagsasagawa na ng clearing operations sa ilang bahagi ng NBP Reservation. Patuloy naman ang mga awtoridad sa paghahanap sa dalawa pang nakatakas na inmates.
Comments