top of page
Search

1 patay, 2 nasugatan sa hagupit ni ‘Odette’ — NDRRMC

BULGAR

ni Lolet Abania | December 17, 2021



Isa katao ang naiulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan dahil sa Bagyong Odette, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Batay sa report ng NDRRMC, kanilang bina-validate pa sa ngayon ang mga impormasyon hinggil dito. Subalit, ayon kay Iloilo City Public Safety and Transportation Management Office Jet Konlu, isang 54-anyos na babae ang nai-report na namatay sa kanilang lugar nitong Huwebes ng gabi.


“Kagabi, mayroon tayong isang casualty. Ito po 54 years old, babae. Ito ay natamaan ng kawayan sa tabi ng kanilang bahay during ng onslaught ng Bagyong Odette,” ani Konlu sa isang interview ngayong Biyernes.


Gayunman, base sa pinagsama-samang report ng Philippine National Police, dalawa katao ang namatay habang tatlong indibidwal ang nasugatan sa Northern Mindanao. Unang naiulat na dalawa katao ang nawawala sa Western Visayas pero nasagip na rin ito kalaunan.


Sinabi naman ni Teresita Siason, opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management ng Guimaras sa isa ring radio interview, na bineberipika pa nila ang mga reports hinggil sa dalawang nasawi.


Ayon kay Surigao City Mayor Ernesto Matugas, inaalam na rin nila ang tungkol sa report ng isang namatay dahil sa Bagyong Odette. Aniya, ang biktima ay nalibing mula sa debris.


Sa latest report ng NDRRMC, may kabuuang 332,855 indibidwal o 83,026 pamilya ang inilagay sa preemptive evacuation dahil sa banta ni Odette, habang tinatayang nasa 41,434 indibidwal o 11,859 pamilya ang kanilang inilikas.


Nasa 14,680 katao o 4,989 pamilya naman ang nananatili sa loob ng 191 evacuation facilities, habang 500 katao o 166 pamilya ang nanuluyan sa kanilang mga kaanak at mga kaibigan.


Ayon pa sa NDRRMC, nasa tinatayang 249 barangay ang apektado ng Bagyo Odette sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga. Gayundin, may kabuuang 62 siyudad at munisipalidad ang nakaranas ng power interruptions.


Nasa tinatayang 73 ports ang hindi naman nakapag-operate habang may kabuuang 4,503 pasahero; 2,245 rolling cargoes; 65 vessels; at tatlong motorbancas ang stranded sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, at Caraga.


Umabot naman sa 261 mga klase habang 239 work schedules ang isinuspinde dahil sa hagupit ng Bagyong Odette. Dalawang lugar ang nai-report na ang mga kalsada ay hindi na rin madaanan.


Sa ulat ng PNP, nasa kabuuang 152 lugar ang binaha, 492 ang nakaranas ng problema sa cellular communication, at 154 ang nagkaroon ng power interruption.


Ayon sa state weather bureau na PAGASA, maraming lugar sa bansa ang nananatili sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signals ngayong Biyernes ng umaga. Apat sa mga naturang lugar ay nasa Signal No. 3.


Samantala, sa 8AM bulletin ng PAGASA, namataan ang Bagyong Odette na nasa layong 155 kilometers west southwest ng Iloilo City o 90 km south southeast ng Cuyo, Palawan ng alas-7:00 ng umaga.


Si Odette ay may maximum sustained winds na 155 km per hour, pagbugsong aabot sa 235 km/h, central pressure na 955 hPa, at malalakas na bugso ng hangin na extending outwards na aabot sa 480 km mula sa sentro.


Ang Bagyong Odette ay kumikilos pakanluran ng 25 km/h.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page