ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 26, 2020
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mayroong biyahero mula sa United Kingdom na dumating sa Pilipinas ang nagpositibo sa COVID-19 ngayong Sabado.
Ayon kay Duque, mayroong 79 travellers mula sa UK ang dumating sa bansa noong December 22 hanggang 25.
Aniya, “Sila ay inihiwalay sa ibang mga pasahero at pina-swab. Pinroseso rin sila ng ating Immigration para ma-confirm kung sila ay mula o dumaan sa UK. Pagkatapos nito, inihatid po sila sa New Clark City para roon tapusin ang 14-day quarantine.”
Saad pa ni Duque, “Umabot na po sa 79 pasahero mula UK ang dumating sa bansa, 72 ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport habang 7 ang dumating naman po via Clark International Airport.
“Sa 79 na nagmula po sa UK, dalawa rito ang bumalik na sa UK samantalang 77 ang nanatili rito sa Pilipinas.
“Base sa report kahapon, 59 na ang mayroon nang test results kung saan 53 ang negative ngunit may isa pong nagpositibo sa COVID at inaantabayanan natin ang 23 na natitirang resulta.”
Samantala, depensa naman agad ni Duque, “‘Yung testing po nito, hindi nangangahulugan na ito na ‘yung new variant dahil magsasagawa pa po ng pagsusuri ang ating mga eksperto mula sa Philippine Genome Center.”
תגובות