ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 16, 2023
KATANUNGAN
Mag-iisang buwan na kaming hiwalay ng aking asawa. Mula nang umuwi siya galing abroad, halos ubusin niya na ang kanyang pera sa pagpapainom. Pinagsabihan ko siya pero ako pa ang naging masama. Bakit ko raw siya pinapakialaman? Samantalang pinaghirapan umano niya sa abroad ang perang inuubos niya, muntik na kaming magkasakitan, mabuti na lang ay inawat kami ng mga anak namin.
Mula noon, hindi na siya umuwi ng bahay at ang balita ko ay nakikituloy siya sa kanyang mga kaibigan. Natatakot ako, Maestro, baka tuluyan kaming maghiwalay. Kung sakaling mangyari 'yun, nakakaawa naman ang mga anak namin dahil mga bata pa sila. Naguguluhan na ako ngayon sa sitwasyon namin. Kaya sana maanalisa mo ang kapalaran ko.
KASAGUTAN
Sadyang napakalaki pa ng pag-asa na kayo ay magkabalikan, basta ang mahalaga, hanapin mo ang mister mo kung saang lupalop siya nagsuot at kausapin mo siya nang masinsinan.
Nangyaring ganu’n, sapagkat ayon sa guhit ng iyong palad, nagtataglay ka ng isang malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, na kung sino ang lalaking una mong inibig at pinakasalan, ang lalaki ring ito ang nakatakda mong makasama habambuhay.
Ang iyong lagda na medyo magulo sa gitna ay nagsasabi namang marahil sa kasalukuyan ay dinadaan lang sa mabigat na pagsubok ang inyong relasyon, pero dahil gumanda at naayos din naman ang iyong lagda, ito ay malinaw na mahahawi rin ang makapal na ulap sa kalangitan at sa pagmulat ng iyong mata makikita mo ang isang maaliwalas at mas positibong bagong araw sa relasyon n’yo.
MGA DAPAT GAWIN
Wala namang buhay sa mundong ito na walang problema. Katulad din ng mag-asawa, hindi talaga maiiwasan na dumaan sa mga suliranin at mabibigat na pagsubok ang relasyon. Sa sandaling malampasan nila ang mga pagsubok na ito, magkakaroon ng maturity sa kanilang pagkatao na magiging daan upang muli silang magkasundo at magmahalan habambuhay.
Habang ayon sa iyong mga datos, Elora, nakatakda na ang muling pagkakasundo n’yong mag-asawa sa taon ding ito ng 2023 sa buwan ng Oktubre, magiging okey na muli ang lahat, at magkakasama-sama na muli ang isang buo at maligayang pamilya habambuhay, (Drawing A. at B. h-h arrow b. at 1-M arrow a.).
Comments