ni Lolet Abania | April 29, 2021
Tinatayang nasa isang milyong manggagawa ang nananatiling ‘displaced’ o walang trabaho sa NCR Plus areas dahil sa pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo.
Sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Castelo na nabawasan na ito kumpara noong una na umabot sa 1.5 milyong displaced employees ang nai-record makaraang ang NCR Plus -- Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna – ay nasa ilalim pa ng enhanced community quarantine (ECQ).
“1.5 million employees in NCR Plus were displaced during ECQ but 500,000 of them were able to return to their jobs under MECQ,” ani Castelo.
Matatandaang isinailalim sa ECQ ang NCR Plus noong Marso 29 hanggang Abril 4 dahil sa pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 na labis na nagpahirap sa healthcare system ng bansa.
Sa ECQ, ipinagbawal ang mga non-essential travels, gayundin ang non-essential businesses at iba pang mga serbisyo.
Nang isailalim naman sa MECQ protocol, ipinagbawal ang mga non-essential trips, subali't bahagyang pinayagan ang mga non-essential businesses at services na mag-operate, kung saan naging epektibo ito sa NCR Plus mula Abril 5 hanggang Mayo 14.
Ang mga personal care services at indoor dining sa mga restaurants ay ipinagbabawal pa rin sa MECQ.
Gayunman, hiniling na ng DTI sa gobyerno partikular sa COVID-19 task force na kung maaari ay payagan na ang mga personal care services at indoor dining sa ilalim ng MECQ na magbukas ng kanilang negosyo upang masolusyunan ang problema sa unemployment.
Ipinaliwanag pa ni Castelo na sa personal care services lamang ay mayroong 400,000 displaced workers habang 100,000 empleyado sa mga restaurants na indoor dining ay walang mga trabaho sa MECQ.
“Iyong personal care services po, barbershops and salons lang po ito. Hindi kasama ang spa and massage [services]. Kaya nga po iyon ang rekomendasyon ng DTI [na magbukas ng ibang industriya] para unti-unti, dahan-dahan na pong makabalik sa trabaho iyong one million who were displaced,” sabi ni Castelo.
Sinabi rin ni Castelo na iminungkahi ng ahensiya na payagang mag-operate ang indoor dining ng 10% capacity, at para sa personal care services naman ay payagang magbukas ng hanggang 50% subalit, dapat outdoor ang lokasyon nito.
Comments