top of page
Search
BULGAR

1 M benepisyaryo ng 4Ps, tatanggalin na sa listahan – DSWD

ni Lolet Abania | July 11, 2022




Halos isang milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang aalisin na mula sa listahan ng mga recipients ng target na social assistance, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ngayong Lunes.


Sa isang radio interview, sinabi ni Tulfo na aabutin ang ahensiya ng tatlo hanggang apat na linggo para matapos na linisin ang naturang listahan, kung saan may tinatayang 4.4 milyong benepisyaryo.


“Wala pa akong exact figure pero initially ang sabi sa akin ay halos isang milyon ang aalisin natin sa listahan,” pahayag ng kalihim.


Ayon kay Tulfo, ang mababakanteng slots para sa conditional cash transfer program ay ibibigay sa mga bagong benepisyaryo dahil marami na ring mga aplikante ang nasa waiting list.


Batay sa ginawang survey ng DSWD, sinabi ni Tulfo na humigit-kumulang sa 15 milyon katao ay mahirap na mahirap o tinatawag na below poverty line sa bansa.


Binanggit din ni Tulfo na nagbigay ng direktiba si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kanyang linisin ang listahan ng mga benepisyaryo sa gitna ng mga reports na ilang 4Ps beneficiaries ay well-off o may kaya sa buhay at ginagamit ng iba ang cash assistance sa pagsusugal.


Natukoy naman ng DSWD ang mga benepisyaryo ng 4Ps at iba pang social assistance programs sa pamamagitan ng kanilang National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.


At para ipatupad ang order ni Pangulong Marcos, una nang sinabi ni Tulfo na magpapalabas siya ng isang “amnesty” call para sa mga hindi na kwalipikadong benepisyaryo na isurender ang kanilang mga accounts sa DSWD sa loob ng 30 o 60 araw o harapin ang isasampang kaso.


“Kasi parang estafa ‘yan kasi niloloko mo ang gobyerno,” giit pa ni Tulfo.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page