ni Lolet Abania | November 27, 2021
Natanggap ng pamahalaan ang kabuuang 1,746,160 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na donasyon ng United Kingdom ngayong Sabado, kasabay ng paghahanda ng bansa para sa isasagawang national COVID-19 vaccination drive.
Lumapag ang shipment sa pamamagitan ng UN-led at vaccine-sharing program na COVAX facility sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bandang alas-4:00 ng hapon via Emirates Airline flight EK332.
Ang delivery ng bakuna ngayong araw ang nakakumpleto sa 5,225,200 vaccine doses na donasyon ng UK, habang nakatanggap din ang bansa ng AstraZeneca shots nitong Huwebes at Biyernes.
Una nang sinabi ng gobyerno na kanilang babawasan ang target, para sa 3-araw na vaccination drive simula sa Lunes, ng 9 milyon na lamang mula sa inisyal na 15 milyon dahil anila, sa kakulangan ng syringe o hiringgilya.
Ayon sa mga awtoridad para maging fully vaccinated na ang tinatayang 54 milyong Pinoy, isa pang revised target mula sa inisyal na 77 milyong indibidwal, magkakaroon ng isa pang 3-araw na pagbabakuna kontra-COVID-19 na gagawin mula Disyembre 15 hanggang 17.
Umabot na sa halos 35 milyong indibidwal ang fully vaccinated hanggang nitong Huwebes, na nasa 45.3 porsiyento ng target na 77.1 milyon.
Nasa tinatayang 44.5 milyon naman ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines.
Comentários