ni Lolet Abania | March 16, 2021
Makakatanggap muli ang bansa ng 1.4 milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese firm na Sinovac Biotech ngayong buwan, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr..
Ayon kay Galvez, kabilang sa mga nasabing doses ang dagdag 400,000 na donasyon ng Chinese government habang ang 1 milyong doses naman ang kinukuha ng pamahalaan.
“Ang exact timeline is ‘yung 400,000 po, baka dumating this coming March. ‘Yun po ang tentative date natin,” ani Galvez sa isang briefing ngayong Martes, kung saan nabanggit din niya na posibleng mai-deliver ito sa March 24.
“‘Yung 1 million na procurement natin, ng Department of Health, ay darating sa [March] 28,” dagdag ng opisyal. Matatandaang natanggap ng Pilipinas ang unang shipment ng COVID-19 vaccines mula sa Sinovac Biotech noong huling linggo ng Pebrero.
Agad na sinimulan ng gobyerno ang COVID-19 vaccination program para sa 600,000 Sinovac doses na donasyon ng Chinese government noong March 1. Nitong March 14, nasa kabuuang 199,704 doses na ang na-administer sa mga health workers at frontliners sa bansa.
Comments