ni Mary Gutierrez Almirañez | March 1, 2021
Mahigit 1.4 milyon na healthcare workers sa ‘Pinas ang tinatarget mabakunahan sa pagtatapos ng Marso, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. kaninang umaga, Marso 1.
Aniya, “Pipilitin po natin na matapos lahat ng health workers nationwide ngayong Marso. Wala pong maiiwan, walang iwanan.”
Sa ngayon ay 600,000 doses ng Sinovac mula China pa lamang ang bakunang nasa bansa. Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) nito noong ika-22 ng Pebrero. Batay sa evaluation, mayroon itong 65% hanggang 91% na efficacy rate para sa mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59, habang nagtataglay naman ito ng 50.4% na efficacy rate para sa mga healthcare workers na exposed sa COVID-19 patients.
Nauna nang tinurukan ng Sinovac sina PGH Director Dr. Gap Legaspi, FDA General Eric Domingo, NTF Deputy Implementer Sec. Vince Dizon, Acting PNP Chief Lt .Col. Cleto Manongas, P/BGen. Luisito Magnaye, P/Lt.Col Raymond Ona, at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr..
Samantala, sinimulan na rin ang pagbabakuna sa V. Luna Medical Center kung saan mahigit 30 sundalo at healthcare workers ang target na mabakunahan ngayong araw, ayon sa AFP Health Service.
Komentar