ni Lolet Abania | October 9, 2021
Natanggap na ng pamahalaan ang idineliber na humigit-kumulang 1.4 milyon doses ng COVID-19 vaccine ng Moderna ngayong Sabado nang hapon habang naghahanda ang bansa sa pagpapalawak pa ng inoculation program ngayong buwan.
Lumapag ang mga doses ng Moderna vaccines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang alas-4:00 ng hapon ngayong Sabado, via China Airlines Flight CI 703.
Ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19, umabot sa 1.36 milyon ang pinakabagong nai-deliver na doses ng COVID-19 vaccine, kung saan 885,700 ay binili ng gobyerno habang 477,600 naman ang binili ng pribadong sektor.
Samantala, ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr. may inisyal na alokasyon ang pamahalaan na 45,000 hanggang 50,000 COVID-19 jabs na inilaan para sa pilot vaccination ng mga kabataan na edad 12-17 sa mga piling ospital sa Metro Manila.
Base sa data ng gobyerno hanggang nitong Biyernes, ayon sa mga awtoridad nasa 22.9 milyon indibidwal na ang fully vaccinated habang tinatayang nasa 26 milyon katao naman ang nakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Comments