ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 19, 2021
Aabot sa 1,300 overseas Filipino workers (OFWs) ang maaapektuhan ng 2 linggong travel ban sa Hong Kong dahil sa bagong COVID-19 strain, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, kalahati ng 2,600 manggagawa na nakatakdang pumunta sa Hong Kong ang maaapektuhan ng naturang travel restriction.
Simula bukas, April 20, isususpinde nang dalawang linggo ang mga flights papuntang Hong Kong mula sa India, Pakistan at Pilipinas dahil sa na-detect na N501Y mutant COVID-19 strain.
Pahayag ni Olalia, “Magkakaroon ng dalawang linggo na temporary suspension of deployment dahil nga sarado ‘yung kanilang border dahil sa pandemya.
“So kalahati ng 2,600 ay hindi makakaalis. More or less nasa 1,300 ang apektado roon sa pagpunta sa bansang Hong Kong.”
Nilinaw din ni Olalia na tuloy pa rin ang pagpoproseso at issuance ng Overseas Employment Certifications (OECs) sa kabila ng ipinatupad na travel ban.
Aniya. "Kahit may border closure or temporary suspension of flights, ang ating POLO (Philippine Overseas Labor and Office), POEA ay patuloy sa pagpoproseso ng documents.
"Ibig sabihin, ang POLO, tuloy po ‘yan. Ang accreditation sa POEA, tuloy po ‘yan, kasi may 60 days na validity period ang OEC, so kahit may temporary suspension, mag-aantay sila ‘pag na-lift iyon. Kapag na-lift in two weeks' time, valid pa rin ‘yung OEC na na-issue.”
Ayon din kay Olalia, kailangang makipag-ugnayan sa private recruitment agencies ang mga maaapektuhang OFWs.
Aniya, "Ang private recruitment agency, sila po ang may coordination sa stranded OFWs. May 2016 rules na kung saan in-amend at pinalawig natin ‘yung tinatawag na monitoring at assistance sa OFWs to include ‘yung ating mga stranded.”
Comentários