ni Lolet Abania | November 16, 2021
Nasa kabuuang 1,353,800 doses ng Moderna COVID-19 vaccine ang dumating sa bansa na procured o binili ng gobyerno ngayong Martes.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19, lumapag ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 bandang alas-9:40 ng umaga via flight CI701.
Sinalubong ito ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.
“This would be allocated for our children vaccination… Second, it will be used also for boosters. We are very thankful, I would like to thank the Philippine FDA… for releasing the EUA amendment for the vaccines, including Pfizer, Sinovac, AstraZeneca, and also Sputnik,” ani Galvez.
Sa kanilang advisory, inirekomenda ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng Moderna, Pfizer, at Sinovac bilang booster doses.
“These vaccines, like Moderna, will be for our three-day national vaccination holiday. We will wrap up most of the vaccines for the first and second dosing,” dagdag ni Galvez.
Una nang inanunsiyo ng gobyerno ang pagsasagawa ng 3-araw na national vaccination laban sa COVID-19 mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Ayon sa NTF, umabot na sa mahigit 31 milyong Pilipino ang fully vaccinated hanggang nitong Nobyembre 11.
Sinabi rin ni Galvez na mayroong tinatayang 124 milyon doses na at inaasahang madaragdagan pa ng 16 milyon, kaya aabot na sa kabuuang 140 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang bansa hanggang sa katapusan ng Nobyembre.
“’Yun na ‘yung ating naka-allocate for this year. And then ‘yung December na darating, it will be allocated for the first quarter boostering and also ‘yung ating remaining first doses and second doses,” sabi pa ni Galvez.
Comments