ni Lolet Abania | December 28, 2020
Nakatakdang mag-rollback sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo matapos ang pitong magkakasunod na linggong pagtaas sa diesel at kerosene, habang walang pagbabago sa gasoline.
Sa hiwalay na advisories, ang Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. ay naglabas ng anunsiyong magbabawas ng presyo sa kada litro ng diesel ng P0.05 at kerosene ng P0.25.
Magpapatupad naman ang Petro Gazz ng parehong pagbabago, subalit hindi kasama rito ang kerosene.
Magiging epektibo ang bagsak-presyo ng petrolyo nang alas-6:00 ng umaga bukas, December 29, 2020. Kasunod na ring magpapalabas ng katulad na abiso ang iba pang kumpanya ng langis.
Sa pinakahuling datos mula sa Department of Energy (DOE), lumalabas na ang naging year-to-date adjustment ay may net decrease ng P3.22 kada litro sa gasoline, P7.36 kada litro sa diesel at P10.59 kada litro sa kerosene.
Comments