top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 13, 2022



Tumaas ng 250% o mahigit triple ang bilang ng active cases ng COVID-19 sa Zambales kumpara sa naitalang mga kaso noong nakaraang linggo.


Sa pinakabagong datos mula sa provincial health office, mula sa 65 active cases noong Jan. 5, tumalon sa 232 ang mga bagong kaso nito lamang Jan. 12.


Mababa rin ang recovery rate kung saan 0.08% o 8 pasyente lamang ang gumaling sa naturang sakit.


Simula 2020, nakapagtala na ang Zambales ng 10,113 COVID-19 cases, kung saan 9,654 dito ay naka-recover habang 610 ang nasawi.


Nasa 61% naman ng target population o nasa 278,004 residente ng probinsiya ang fully vaccinated na kontra-COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | September 13, 2021



Isang kandidata sa Miss Universe Philippines ngayong taon, ang bumitaw na sa kanyang laban para sa korona matapos na tamaan ng dengue.


Sa kanyang Instagram post ngayong Lunes, inianunsiyo ni Joanna Marie Rabe ng Zambales ang kanyang pag-atras sa kompetisyon.


“With great sadness, I would like to inform you that my Miss Universe Philippines journey has been cut short,” ani Ms. Rabe.


“I got dengue fever earlier this week and my doctors [advised] that I would need more time to recover my strength,” dagdag pa niya.


Pinasalamatan naman ng beauty queen ng Zambales ang kanyang mga kaibigan, pamilya at supporters sa tulong at suporta sa kanyang naging journey.


Umaasa rin si Joanna Marie na muli silang magkikita-kita aniya, “in a bigger stage and much brighter circumstances in future.”


Si Joanna Rabe ay napili bilang isa sa Final 30 delegates na nakatakda sana para sa next round ng Miss Universe Philippines 2021.


Matatandaang isa ring kandidata, si Gianne Asuncion ng Cagayan, ang umatras sa kompetisyon noong nakaraang buwan matapos na magpositibo sa test sa COVID-19. Si Gianne ay umabot lamang sa Top 50.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 28, 2021



Nakapagtala ang Zambales ng unang kaso ng COVID-19 Delta variant kung saan isang 2-anyos na batang babae ang tinamaan nito, ayon sa kumpirmasyon ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr..


Ayon kay Ebdane, asymptomatic ang bata at kasalukuyang nasa quarantine isolation kung saan kasama nito ang kanyang ina na nurse na nagpositibo rin sa COVID-19, pati ang ama nito na positive rin.


Paglilinaw naman ni Ebdane, ang bata lamang ang positibo sa Delta variant.


Aniya, noong Agosto 5 dinala sa Philippine Genome Center ang nakuhang specimen samples mula sa bata at noong Agosto 23 naman inilabas ang resulta nito kung saan lumabas na positibo siya sa Delta variant.


Saad pa ni Ebdane, “Pero ‘yung huling check naman before that ay negative na siya sa COVID-19. ‘Yun nga ‘yung problema. Kaya nu’ng natanggap 'yung resulta ng PGC, we decided to put them on additional restriction kaya hanggang ngayon, nandoon pa 'yung mag-aama sa quarantine center at nag-request kami na magpadala uli ng specimen sa genome center."


Saad pa ni Ebdane, “Ang problema rito kasi, nakita namin na while positive sa Delta, negative ang RT-PCR nila.”


Nagtataka rin umano ang mga awtoridad kung bakit ang bata lamang ang nagpositibo sa Delta variant, ayon kay Ebdane.


Nagpatupad na rin umano ng mahigpit na border control at nagsagawa na rin ng contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa Zambales.


Saad pa ni Ebdane, "Nagpa-meeting kasama ang mga mayors at municipal health officers kahapon, ang napagkasunduan dito ay magkaroon ng granular lockdown.”


Aniya pa, “Ipapatupad natin ulit ang mahigpit na curfew bawat barangay para wala nang lalabas. We also discouraged the holding of birthdays, weddings, and other parties sa mga bayan-bayan."


Samantala, sa ngayon ay mayroong 892 aktibong kaso ng COVID-19 ang Zambales, ayon pa kay Ebdane.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page