top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | February 1, 2022



Kinansela muli ng San Marcelino, Zambales government sa ikalawang pagkakataon ang kanilang taunang selebrasyon ng Singkamas Festival dahil sa banta ng COVID-19.


Sa isang pahayag, sinabi ni San Marcelino Mayor Elvis Ragadio Soria na priority nila ang kalusugan ng kanilang mga residente, dahilan upang hindi idaos ang naturang selebrasyon.


Ang festival na ito ay ang paraan ng nasabing bayan upang ipagdiwang ang magandang ani ng singkamas.


Bago ang pandemya, idinaraos ng bayan ng San Marcelino ang Singkamas Festival sa pamamagitan ng street dance parade at iba’t ibang kompetisyon, na siyang dinarayo na mga turista.


Naunang kinansela ang pagdiriwang noong nakaraang taon dahil din sa pandemya.

 
 

ni Lolet Abania | January 30, 2022



Niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang baybayin ng Zambales ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Batay sa ulat ng PHIVOLCS, naitala ang lindol ng alas-8:17 ngayong Linggo ng umaga kung saan tectonic in origin, habang ang epicenter nito ay nasa 15.52°N, 118.33°E - 169 km N 87° W ng munisipalidad ng Palauig sa Zambales.


Gayundin, may lalim ang lindol ng 22 kilometers. Ayon sa PHIVOLCS wala namang naitalang pinsala matapos ang pagyanig, subalit posibleng magkaroon ng mga aftershocks.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 23, 2022



Isa sa limang ospital na tumatanggap ng COVID-19 patients sa Zambales ang nasa critical level na dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Lahat ng 26 COVID-19 ward beds ng Allied Care Experts (ACE) Medical Center – Baypointe Inc., sa loob ng Subic Freeport, ang okupado na. Lima naman sa intensive care unit (ICU) beds nito ang kasalukuyang ginagamit.


Batay sa datos ng DOH, ang Sta. Cecilia Medical Center sa Iba ay nasa moderate level status kung saan 2 sa 8 ward beds nito ang bakante pa.


Ang status naman ng Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital, ang main quarantine facility ng lalawigan, Candelaria District Hospital at San Marcelino District Hospital ay nasa safe level pa rin.


Nakapagtala na ang Zambales ng 10,611 COVID-19 cases simula nang magsimula ang pandemya noong 2020 kung saan 400 ang kasalukuyang active cases, 9,979 ang recoveries habang 614 ang nasawi.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page