ni Jasmin Joy Evangelista | March 16, 2022
Nakamit na ng probinsiya ng Zambales ang herd immunity kontra COVID-19 matapos mabakunahan ang 70% ng target eligible population nito, ayon sa isang opisyal noong Lunes.
Ayon kay Dr. Noel Bueno, provincial health officer, ito ay dahil sa mataas na bilang ng mga nagpapabakuna sa mga vaccination sites.
Nasa 454,730 residente ang bumuo sa 70 percent ng 649,615-population ng probinsiya.
Sinabi rin ni Bueno na nasa 71 percent ng kanilang target ang nabakunahan na ng 1st dose kontra COVID-19.
Samantala, ayon sa independent analytics group OCTA Research, “very low risk” for COVID-19 na ang probinsiya dahil sa pagbaba ng bilang ng kaso ng Covid sa lalawigan.