ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 10, 2021
Iimbestigahan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang diumano'y panghahabol at pananakot ng barko ng China sa Filipino vessel na lulan ang mangingisda at ABS-CBN media sa West Philippine Sea (WPS) kamakailan.
Ayon sa DFA, kapag nakumpirma na ang insidente, makikipag-ugnayan sila sa China ukol dito.
Pahayag pa ng DFA, "Philippine authorities are looking into reports of Chinese vessels chasing after a television crew aboard a Philippine vessel in the West Philippine Sea. If proven to be true, the Department of Foreign Affairs will raise the matter with the Chinese government.
"In the meantime, the Department is thankful that the crew and the Filipino vessel are safe.”
Nagpaalala rin ang DFA na makipag-ugnayan muna ang publiko sa awtoridad ng Pilipinas bago bumisita sa Kalayaan Island sa WPS.
Sa ulat ng mamamahayag ng ABS-CBN na si Chiara Zambrano, mayroong 2 Chinese missile crafts na diumano'y sumunod sa kanila sa paglalayag nila papuntang Ayungin Shoal sa WPS na malapit sa Palawan.
Pahayag pa ni Zambrano, “Tiningnan namin ang location namin sa GPS, kami ay nasa 90 nautical miles lamang mula sa pinakamalapit na kalupaan ng Palawan.”
Aniya pa, “Pumunta kami rito para itanong sa mga mangingisdang Pilipino kung ano ang ikinatatakot nila sa paglalayag sa West Philippine Sea at hindi namin inaasahan na mismong kami ay mararanasan at makikita namin ‘yung ganitong powerful na mga vessel o sasakyang pandagat ng China.”