ni Angela Fernando @News | August 13, 2024
Dumami pa ang bilang ng mga barkong militar, Coast Guard, at pang-research ng China na namomonitor sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Philippine Navy nitong Martes.
Naitala ng navy ng 'Pinas mula Agosto 6 hanggang 12 ang siyam na barko ng People's Liberation Army Navy (PLAN), 13 sasakyang-pandagat ng China Coast Guard (CCG), at dalawang research vessel sa WPS.
Mas mataas ang mga ito kumpara sa tatlong barko ng PLAN, 12 sasakyang-pandagat ng CCG, at isang research ship na namonitor nu'ng nakaraang linggo.
Samantala, bumaba naman ang bilang ng mga barko ng Chinese maritime militia (CMM) mula 106 hanggang 68. May kabuuang 92 barko ng nasabing bansa ang nakita sa iba't ibang bahagi ng West Philippine Sea mula Agosto 6 hanggang 12.