top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 14, 2021



Hindi paaatrasin ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng tinatanaw na “utang na loob” ng bansa sa China.


Pahayag ni P-Duterte, "‘Yung mga barko natin, nandiyan ngayon sa Pag-asa Island... we will not move an inch backward.”


Iginiit din ng pangulo na ayaw niyang mag-away ang Pilipinas at China at malaki umano ang tinatanaw na utang na loob ng ating bansa sa huli.


Matatandaang mahigit isang milyong Sinovac COVID-19 vaccine ang idinoneyt ng China sa Pilipinas sa pakikibaka ng bansa sa pandemya.


Saad ni P-Duterte, “Ayokong makipag-away sa China. Ayoko.”


Mensahe rin ng pangulo sa China, “Inuulit ko, may utang na loob kami, malaki. Malaking utang na loob. Buhay ang itinulong ninyo sa amin. Pero ‘yung ano naman ng bayan namin, sana maintindihan ninyo. Kung hindi ninyo maintindihan, eh, di magkakaroon talaga ng problema.”


Nagpahayag din ang pangulo ng pagdududa na tutulungan ng United Nations ang Pilipinas sa usapin sa WPS.


Saad pa ni P-Duterte, "Kailan pa ba naging useful ang United Nations? Kayu-kayo lang diyan. Kayo kasing mga ano… puro papel kayo, puro theory. Hindi ninyo alam kung gaano kahirap kung mapasubo ang Pilipinas. Hindi kayo sanay kung ilan ang namatay sa harap ninyo. 'Andiyan kayo sa taas, eh. Kami, 'andito sa baba.”


Mensahe ulit ni P-Duterte sa China, "I’d like to put notice sa China. May 2 barko ako r’yan… Philippine Government sa… Kalayaan Group… I am not ready to withdraw.


"I do not want a quarrel, I do not want trouble. I respect your position, and you respect mine. But we will not go to war."


Aniya pa, "Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 7, 2021



Umatras si Pangulong Rodrigo Duterte sa debate laban kay dating Supreme Court Justice Antonio Carpio tungkol sa isyu sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa payo ng mga gabinete, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.


Sa public address ni P-Duterte noong Miyerkules, aniya ay sangkot si Carpio sa pagpapaalis ng barko ng Pilipinas sa standoff sa mga barko ng China sa Scarborough Shoal noong 2012.


Nangako rin ang pangulo na magbibitiw siya sa puwesto kung mapapatunayan na mali ang kanyang pahayag kasabay ng paghahamon ng debate kay Carpio.


Pinabulaanan naman ni Carpio ang mga sinabi ni P-Duterte at aniya ay dapat na itong magbitiw sa puwesto sa lalong madaling panahon “to keep his word of honor.”


Pahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Alam ko po lahat kayo ay naghihintay kung ano ang mangyayari sa debate sa panig po ng presidente at ni retired Justice Antonio Carpio. “Totoo po, hinamon po ni Presidente si Justice Carpio sa debate pero ang pagdedebate po ay dalawang bagay. Sino ba ho ang responsable sa pagkawala ng Scarborough Shoal? Eh, ‘yung detalye po na sinabi ni Antonio Carpio sa kanyang gustong maging debate, eh, kung kabahagi raw po si retired Justice Carpio sa pagkawala ng Scarborough Shoal.


"Hindi naman po ‘yun ang subject matter ng debate. Ang subject matter po ng debate ay sino at ano’ng administrasyon ang naging dahilan kung kailan nawala po sa Pilipinas ang possession sa Scarborough Shoal at kung gusto ninyo, tanungin na rin natin, sino at ano’ng administrasyon nawala sa atin ang Mischief Reef.”


Saad pa ni Roque, “Handang-handa po sana ang presidente na dumebate pero kagabi po, eh, tinanggap po niya ang advise ng ilang mga miyembro ng gabinete kasama na po si Executive Secretary (Salvador) Medialdea. Ang sabi po ng ating mga gabinete, at sinusundan po ito ng dalawang senador… si Senate President Sotto at si Senator Pimentel na unang-una, wala pong mabuting magiging resulta itong debateng ito para sa sambayanang Pilipino.”


Ang pangalawang rason ay hindi umano tabla at hindi patas na ang isang pangulo ay makikipagdebate sa ordinaryong mambabatas.


Saad pa ni Roque, “Nanindigan po ang mga miyembro ng gabinete na bakit papayag sa debate, eh, nakaupong presidente naman si President Duterte at si Antonio Carpio po, bagama't siya’y dating mahistrado ay ordinaryong abogado na ngayon. Parang hindi naman po yata tabla na ang Office of the President, ang presidente mismo ay haharap sa isang ordinaryong mambabatas. Parang hindi po patas.”


Mahirap din umanong mag-participate sa debate ang isang pangulo dahil makaaapekto umano sa polisiya ng gobyerno ang mga posibleng sabihin ni P-Duterte.


Saad pa ni Roque, “Sinabihan po ang presidente ng ating mga miyembro ng gabinete na napakahirap po na mag-participate ang presidente sa ganyang debate. Bakit po? Kasi nakaupo pa siyang presidente. Ibig sabihin, lahat po ng masasabi ng presidente sa debateng iyon ay makakaapekto po sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na po mababawi ang pupuwedeng sabihin ng presidente sa debateng iyon bukod pa sa katotohanan na… kaya nga po tayo may tinatawag na executive privilege ‘no, ‘yung mga bagay-bagay na hindi dapat isapubliko para makagawa ng mga tamang desisyon bagama’t hindi pa po nagdedesisyon ang isang presidente.


"Mako-compromise po ang mga bagay-bagay na ito, ang mga impormasyon na ito kung papayag po at ituloy ng presidente ang pagdebate kay dating Supreme Court Justice Antonio Carpio.”


Bagama’t umatras sa debate si P-Duterte, ayon kay Roque, siya ang itinalaga bilang maging kapalit nito.


Saad ni Roque, “Tuloy po ang debate. Eh, ang sabi po ni Presidente, kung papayag si Antonio Carpio, tuloy po ang debate dahil importante naman na marinig ‘yung mga ideas para ang taumbayan ang makagawa ng konklusyon.


“Ang sabi po ng presidente, itinatalaga niya po ang inyong abang lingkod na makipagdebate kay retired Justice Antonio Carpio at tinanggap ko naman po ang pagtatalaga ni Presidente.”


Handa namang magsilbing host ng debate ang Philippine Bar Association (PBA) at saad ni Roque, sabihin lang umano ng organisasyon kung kailan at saan at sisipot siya.


Aniya pa, “Pero ang pagdedebatehan po, malinaw. Unang-una, sino ang responsable sa pagkawala ng teritoryo ng Pilipinas — si President Duterte o ang ibang administrasyon?


“Pangalawa, tama ba ang sinasabi ni Antonio Carpio na binalewala ni Presidente ang panalo natin doon sa Hague tribunal at kung gusto niya, pangatlo ay tama ba po na namimigay ng teritoryo ang Presidente Duterte?”


Mensahe rin niya kay Carpio, “Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, it would be a pleasure to debate against you. I’ll see you at the designated time and place.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 6, 2021



Handang magsilbing host ang Philippine Bar Association (PBA) sa debate sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio tungkol sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).


Matapos tanggapin ni Carpio ang hamong debate ni P-Duterte, ayon kay Philippine Bar Association President Rico Domingo, handa ang organisasyon na mag-host nang libre sa oras at petsa na mapagkakasunduan ng dalawa.


Aniya, "As the oldest voluntary private organization of lawyers in the country, the PBA will provide a balanced arena fit for two lawyers of eminent stature and experience to dispassionately discuss the core issues relating to the dispute on the West Philippine Sea.


“The PBA stands ready to provide this forum for free and at no cost to either parties conformably with its staunch advocacy to promote the rule of law.”


Tinanggap naman ni Carpio ang alok ng PBA na maging host ng naturang debate.


Aniya pa, “I am happy to accept the offer of PBA to host and moderate the debate.”


Sa public address ni P-Duterte noong Miyerkules, hinamon niya ng debate si Carpio.


Saad pa ng pangulo, “Supreme Court Justice, pareho man tayo abugado. Gusto – eh, gusto mo magdebate tayo?”


Aniya ay sangkot si Carpio sa desisyong pagpapaalis ng barko ng Pilipinas sa standoff sa mga barko ng China sa Scarborough Shoal noong 2012.


Handa rin umano siyang magbitiw sa puwesto kapag napatunayang mali ang kanyang pahayag.


Pinabulaanan naman ni Carpio ang mga sinabi ni P-Duterte at aniya ay dapat na itong mag-resign “to keep his word of honor.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page